QC Mayor Joy Belmonte nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 12:28 PM

MAYNILA - Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Quezon City Mayor Joy Belmonte, ayon sa lokal na pamahalaan Miyerkoles. 

Sa isang pahayag na inilabas sa Facebook page ng Quezon City local government, si Belmonte mismo ang nagkumpirma na nagpositibo siya sa sakit sa huli niyang COVID-19 test. 

"Dahil sa pagdalaw sa ating mga health center at ospital, special concern lockdown areas at mga komunidad upang alamin ang kanilang mga pangangailangan, sa simula pa lang, batid na naming posibleng mangyari ito.," aniya sa pahayag. 

Sa ngayon aniya, maayos ang kaniyang kalagayan at wala siyang nararamdamang ano mang sintomas. 

Pansamantala namang isasara muna ang kaniyang tanggapan para ma-disinfect kasama ang common areas ng City Hall. 

Tiniyak naman ng alkalde na mahigpit niyang sinusunod ang lahat ng quarantine protocols. 

Sinimulan na rin ng Epidemoiology at Surveillance unit ng siyudad ang contact tracing. 

Giit naman ni Belmonte na patuloy ang serbisyo at operasyon ng lokal na pamahalaan kahit naka-quarantine siya. 

"Makasisiguro po kayo na patuloy ang serbisyo at gawain ng inyong lokal na pamahalaan sa kabila ng aking pag-quarantine. Bagama't limitado ang aking pagkilos, mananatili po akong nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng buong Quezon City," ani Belmonte. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.