OFW sa Jeddah nahulog sa gusali habang tinatakasan ang amo

Charles Tabbu, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 05:14 PM | Updated as of Jul 08 2020 05:29 PM

Isang OFW dito ang nahulog sa ikatlong palapag ng bahay ng kaniyang amo matapos mapigtas ang pinagdugtong-dugtong na kumot na ginamit niya sa kaniyang tangkang pagtakas. Retrato mula kay Charles Tabbu, ABS-CBN News

JEDDAH, Saudi Arabia — Isang overseas Filipino worker (OFW) dito ang nahulog sa ikatlong palapag ng bahay ng kaniyang amo matapos mapigtas ang pinagdugtong-dugtong na kumot na ginamit niya sa kaniyang tangkang pagtakas.

Kinilala ang biktima na si alyas "Elena," 25 anyos.

Kuwento niya, tinakasan niya ang amo dahil hindi na niya kaya pa ang pagtatrabaho sa naturang amo.

Pebrero 20 nang dumating sa Saudi si Elena para mamasukan bilang isang kasambahay. Taga-Maasim, Sarangani Province siya at naiwan doon ang kaniyang asawa at 3 anak.

Maayos naman daw noong bago pa siya sa kaniyang mga amo.

"Nung unang dating ko doon, okay sila sa akin, yung pagkain nila makakain ko din. Tapos nung mga kalahating buwan na ako, parang hindi na masyadong maayos yung pakitungo ni madame sa akin," ani Elena.

Hanggang sa nag-umpisa na ang kalbaryo ni Elena

"Tapos simula nung nagsumbong ako sa agency dito sa Jeddah, kinulong muna ako sa CR nang tatlong araw, walang kain, tapos tubig lang sa CR 'yung iniinom ko. Buti na lang may baon akong [biscuit], 'yun na lang kinakain ko," ani Elena.

"Tapos nag-1 month ako doon, sumusuka na ako ng dugo doon, siguro dahil sa pagod, kasi sobra-sobra 'yung trabaho ko tapos walang kain," dagdag niya.

Ang masaklap pa nito, may kapalit na pangmomolestiya ang bawat pabor na hinihingi niya sa kaniyang among lalaki.

Sa kalbaryong ito, hindi alam ni Elena na pumanaw na pala ang kaniyang ina habang may pinagdadaanan siya sa Jeddah. 

"Tapos inatake na pala si mama non, hindi ko naman alam na namatay na pala siya. Bago ko lang din nalaman.... April 30 daw po nilibing tapos nalaman ko nung May 12... Ang sakit, akala ko kasi ako 'yung makakapagbigay ng gusto niya, pero ako din pala yung dahilan na namatay siya," ani Elena. 

Noong tumakas si Elena, hindi na daw niya naisip kung mabubuhay pa siya. Ang nais lang niya ang makaalis mula sa pang-aabuso ng amo.

"Na-ICU ako dalawang araw tapos dinala na ako sa kuwarto ko," ani Elena.

Nagpasalamat si Elena sa grupong Kaagapay sa pagtulong sa kaniya. Inaasikaso na rin ng konsulado ang agarang pagpapauwi sa kaniya.

"Ito ay nakakuha na ng 3 buwang suweldo ang ating kababayan at meron na rin siyang exit visa, at binayaran din ng employer ang kaniyang hospital bill amounting to 32,000 riyal. Siya ay fit to travel na at naghihintay na rin para makauwi," ani Philippine Consulate General sa Jeddah na si Edgar Badajos..

Dagdag-problema ni Elena ngayon ay hindi daw siya makauwi sa kanila dahil siya ang sinisisi sa pagpanaw ng kaniyang ina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.