LRTA, wala munang teller sa pagbebenta ng mga ticket

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 12:36 PM

MAYNILA - Wala munang ticket tellers ang Light Rail Transit Authority (LRTA) para protektahan sa coronavirus disease (COVID-19) ang mga ito na nakaharap sa publiko. 

Ayon kay LRTA spokesperson, Atty. Hernando Cabrera, sa vending machine na lang puwedeng makabili ng ticket ang mga sasakay sa LRT-2 na may biyaheng Santolan-Recto. 

“Sa mga pupunta sa Line 2, wala na hong teller na nagbebenta ng mga ticket. Ang ginagamit na lang talaga natin ngayon ay ’yung mga ticket vending machine so lahat ng pasahero natin, doon na sila bibili ng ticket,” ani Cabrera sa isang online forum. 

Nilinaw naman ni Cabrera na hindi tanggal sa trabaho ang mga teller dahil patuloy silang magtatrabaho para umalalay sa mga pasahero. 

May dalawang office-based na empleyado ang LRTA na nagpositibo sa COVID-19 kamakailan at kasalukuyang naka-quarantine na, ayon kay Cabrera. 

Bukod sa mga empleyado na magpapakita ng sintomas ng sakit, sinabi ni Cabrera na kina-quarantine din nila ng 72 oras ang mga single journey tickets at gumagamit sila ng ultraviolet light para i-disinfect ang mga ito bago ibalik sa sirkulasyon. 
 
Sa ngayon ay 160 na pasahero lang ang pinapasakay sa LRT-2, malayo sa kapasidad na 1,060. 
 
Ayon kay Cabrera, malaki ang lugi sa LRTA ngayong may pandemic, at umaasa sila ng pinansyal na tulong sa gobyerno para patuloy na makapag-operate. 

“Malaki ho ang aming talagang projected na losses. Ang inaasahan na lang namin dito para sa continues service namin ay ’yung ibibigay na support ng ating national government,” ani Cabrera. 

Magugunitang umabot na 198 ang mga empleyado ng MRT-3 na nagpositibo sa COVID-19. Kabilang dito ang depot personnel, train drivers, control center, station personnel, ticket sellers at nurse.