Lizada, hinikayat mga ahensiya ng gobyerno na makiisa sa online career fair

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 03:13 PM | Updated as of Jul 08 2020 04:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Hinikayat ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada ang mga ahensiya ng pamahalaan na makiisa sa kanilang government online career fair para matulungan ang mga Pilipinong makahanap ng trabaho lalo na sa panahon ng pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Miyerkoles, sinabi ni Lizada na bahagi ito ng mga programang kanilang inilatag para sa pagdiriwang ng 120th Philippine Civil Service anniversary sa darating na Setyembre. 

“Marami ho ang nangangailangan ng trabaho ngayon so we are urging all government agencies, 'yung mga HR ninyo, 'yung mga unfilled positions ninyo, hanapan natin ng paraan,” sabi niya. 

Ayon kay Lizada, ang mga nais na sumaling government agencies ay dapat na magpa-rehistro mula Hulyo 1 hanggang Agosto 15. 

Sa ngayon aniya ay 10 pa lamang ang naka-rehistro kabilang ang mga sumusunod: 

  • Land Transportation Office (LTO) Region 1 
  • Local government of Mauban, Quezon 
  • Land Bank of the Philippines 
  • City Government of Palawan 
  • Philippine Children’s Medical Center 
  • Samar Provincial Hospital 
  • National Economic and Development Authority (NEDA) 
  • Masantol High School (formerly Sta. Lucia High School, Pampanga)
  • Bureau of Jail Management and Penology Mimaropa 
  • Department of Education (DepEd) Division - City of Iligan 

“Marami na hong umuwi sa probinsiya. Let us find a way that they will stay and remain in the provinces and para ho hindi na bumalik sa National Capital Region by giving them jobs for those qualified,” sabi niya. 

Sa mga ahensiya ng gobyerno na nais lumahok, maaari silang tumawag sa tanggapan ng Civil Service Commission sa numerong (02) 89318163. 

“Let us get more government agencies on board para mas marami tayong positions, puwede nating I-fill up at marami tayong matutulungan na mga nangangailangan ng trabaho po,” banggit ni Lizada. 

Paliwanag niya na dapat mag-rehistro sa link na ibibigay ng kanilang tanggapan ang mga ahensiyang nais na sumali. Ipadadala nila sa pamamagitan ng email ang kanilang mga job listing, profile na kinakailangan, at requirements mula Hulyo 1 hanggang Agosto 14. 

“From August 28 to September 11, the participating agencies have to complete the short online training on how to use the system,” ani Lizada. 

Nakipag-ugnayan din ang CSC sa JobStreet.com para sa online career fair na magsisimula naman sa Setyembre 14 hanggang 18. 

Dapat din aniya na may account sa JobStreet.com ang mga aplikanteng sasali sa 5-day career fair. 

Dahil online, hindi kailangang lumabas ng mga aplikante para mag-apply.

“You may apply [in] the confines of your homes,” sabi niya.