MAYNILA — Isinailalim sa enhanced community quarantine ang ilang lugar sa 2 barangay sa San Juan City dahil sa pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease doon, sabi ngayong Miyerkoles ni Mayor Francis Zamora.
Ayon kay Zamora, nagsimula noong Martes at tatagal hanggang Hulyo 22 ang ECQ sa ilang bahagi ng C. Santos Street sa Barangay Balong-Bato at J. Eustaquio Street sa Barangay Progreso.
Apektado ng ECQ ang 153 pamilya sa Balong-Bato at 165 naman sa Progreso, na hindi muna papayagang makalabas sa kanilang mga tirahan.
Ito ay matapos magpositibo sa COVID-19 ang 7 residente ng Balong-Bato at 5 naman sa Progreso.
Tiniyak ni Zamora na makatatanggap ng ayuda ang mga apektadong pamilya.
Pababantayan umano ni Zamora ng mga pulis at barangay personnel ang mga lugar para matiyak na sumusunod ang mga residente.
Ipinag-utos din ng mayor ang pagpapalawig ng closure ng Agora Market hanggang Hulyo 15.
Ipinasara ang naturang pamilihan noong nakaraang linggo matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang fish vendor.
Nadagdagan ng 23 na tao ng palengke ang nag-positibo sa COVID-19, ayon kay Zamora.
Nakatakda rin umanong isailalim sa renovation ang palengke.
Inaasahan namang magbubukas na sa Sabado, Hulyo 11, ang OB at pediatric ward ng San Juan Medical Center, na naunang ipinasara matapos magpositibo sa COVID-19 ang 2 staff.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, San Juan, Barangay Balong-Bato, Barangay Progreso, enhanced community quarantine, lockdown, metro, metro news,Agora Market, coronavirus disease, COVID-19 pandemic, coronavirus Philippines update