MAYNILA - Nagkasakit ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang intensive care nurse na si "Vanessa" na nagtatrabaho sa isang ospital sa Cebu City.
Aminado siyang naisip na niyang mag-resign sa trabaho dahil bukod sa pagod sa kanilang pagseserbisyo sa laban kontra COVID-19, hindi umano sapat ang kaniyang suweldong nasa P15,000.
Ayon sa kaniya, may hazard pay man ay kakaunti lang ito.
Pahirapan din aniya ang pagtatrabaho dahil limitado ang kanilang personal protective equipment.
At para mapigilan ang napakaraming nurse at ibang medical personnel na tumigil sa trabaho ngayong pandemya, napagpasyahan ng Cebu City government na magbigay ng P10,000 na incentive sa bawat health worker sa lungsod na tumulong sa COVID-19 efforts ng LGU.
Pero para sa Philippine Nurses Association sa Cebu, hindi pa ito sapat.
"I just hope it’s not going to be at the P15,000 and it should be given to all the nurses, not only a selective few," ani PNA Cebu President Joseph Descallar.
Pag-aaralan pa ni Visayas overseer at Environment chief Roy Cimatu kung paano tutugunan ang problemang ito.
Bukod kasi sa puno na ang mga ospital, napag-alamang nasa 86.6 porsiyento ang critical care capacity ng mga ospital sa lungsod.
"We are answering the call of the president and the Department of Health to raise the number of beds," ani Cimatu.
Kasalukuyang nasa mahigit 13,000 ang active cases sa Cebu City.
Nasa 1,711 nito ay nasa ospital habang 2,190 ang mga nasa isolation facilities.
— Ulat ni Annie Perez , ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Cebu frontliners, Cebu, frontliner, COVID-19 Cebu, COVID-19 Cebu City frontliners