Inaresto ng pulisya si Jenelyn Nagrampa, ang chairperson ng Gabriela Bicol, dahil sa 2 counts of murder. Inuugnay si Nagrampa sa engkuwentro sa Ragay kung saan 2 sundalo ang namatay noong 2018. Larawan muna sa Nabua Police
NABUA, Camarines Sur – Inaresto ng pulisya nitong Martes ang chairperson ng Gabriela Bicol na si Jenelyn Nagrampa sa San Isidro, Poblacion sa bayang ito dahil sa kasong may kaugnayan sa pagpatay.
Isang arrest warrant ang nilabas ni Judge Jeaneth San Joaquin ng Regional Trial Court Branch 56 ng Libmanan noong Hunyo 23 laban kay Nagrampa. Ito ay may kinalaman sa nangyaring engkuwentro sa Barangay Salvacion sa bayan ng Ragay noong Mayo 13, 2018, kung saan dalawang sundalo ang namatay.
"Nagulat siya, dahil ang expectation niya diumano ay sumagot daw siya sa nasabing kaso nung ito ay nasa piskalya pa dahil binigyan sila ng pagkakataon na sagutin ang nasabing demanda. At nagulat sila bakit nagkaroon pa rin ng warrant of arrest," ayon kay Police Major Ronnie Fabia, hepe ng Nabua Police.
Isinailalim si Nagrampa sa rapid anti-body test para sa COVID-19 sa lungsod ng Iriga. Nagnegatibo naman siya sa test.
Ayon sa kaniyang asawang si Leo Caballero, imposible at walang basehan ang kaso laban kay Nagrampa.
"Imposibleng mangyari kasi unang-una, e kapapanganak pa lang niya nung mga panahon na ‘yon sa aming bunsong anak. At kung titingnan po natin ay panahon po ng eleksyon. Nangangampanya siya. At alam ng buong barangay namin e nangangampanya siya. At alam ng buong barangay namin na andoon siya at hindi siya umaalis sa bahay namin," sabi ni Caballero.
Nanalo bilang Barangay Kagawad si Nagrampa.
Hinanakit ni Caballero na hindi naging patas ang pagresolba ng kaso.
"Hindi kami pinadalhan ng resolution na kung saan puwede pa sana naming sagutin pa at ipaliwanag at ilatag kung bakit at talagang pabulaanan ang ganyang akusasyon laban sa asawa ko," sabi niya.
Dagdag ni Caballero, hakbang ng pamahalaan sunod sa anti-terrorism law ang pag-aresto kay Nagrampa.
“Alam nating lahat, malinaw na terror attack ito sa mga taong lumalaban para sa karapatan ng mamamayan," sabi niya.
Itinanggi ito ni Fabia ng Nabua Police.
"Ang anti-terrorism law ay ngayon lamang po naipasa, nabalangkas. Wala pa pong isang taon. Hindi po natin puwedeng tahasang sabihin na ito ay hakbang ng gobyerno sa anti-terrorism law sapagkat dumaan po sa due process ang kanilang kaso," paliwanag ni Fabia.
Inaresto si Nagrampa habang inaasikaso ang programa ng pamahalaan para sa mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa maiksing pahayag, sinabi ni Nagrampa, na tumatayo ring vice chairperson ng Gabriela National, na hindi siya nawawalan ng lakas ng loob.
"Handa kaming harapin at kaya po naming labanan. At lalabas din ang katotohanan," sabi niya.
Apat pang umano'y kasamahan ni Nagrampa ang kabilang sa kaparehong warrant of arrest.
Walang piyansang ibinigay ang korte para sana sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Nabua, Gabriela Bicol Chairperson arrested, Jenelyn Nagrampa, Gabriela Bicol, murder, Regional News, Tagalog News