Bangkay ng 2-anyos babae natagpuang nakalutang sa ilog sa Cotabato City

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 04:30 PM

COTABATO CITY — Natagpuang palutang-lutang noong Martes sa ilog ng Kalanganan Dos dito ang bangkay ng isang 2-taong gulang na batang babae, na ayon sa pulisya ay nalunod sa kanilang bayan sa Maguindanao bago inanod sa lungsod.

Sa report ng Cotabato City police station 3, ang bata ay taga-Barangay Matilak sa Kabuntalan, Maguindanao.

Pasado alas-6 ng gabi nang matagpuan ng isang residente sa lugar ang bangkay na palutang-lutang sa Tamontaka River sa purok Limbayan ng Kalanganan Dos.

Inakala pa umano niyang manyika ang nasa ilog.

"Nakita ng tagarito sa amin. Nag-report sila agad sa amin para matawagan din ang mga pulis," ani Datu Edris Ayunan Pasawiran, chairman ng Barangay Kalanganan Dos.

Ayon sa pulisya, kasama ng bata ang kaniyang ama na naligo sa ilog pagkatapos ay umuwi sila sa kanilang bahay para maghanda ng pagkain.

Pero nalingat lang umano sandali ang ama ng bata ay di na nakita ang anak. Kaya inisip niyang bumalik ito sa ilog para maligo.

Agad na nag-report ang tatay sa mga pulis.

Ayon naman sa pulisya, posibleng nahulog sa ilog ang bata at mabilis na inanod ng malakas na tubig.

Noong Martes ng gabi ay agad ding kinuha ng pamilya ang bangkay at inuwi na sa kanilang bayan para mabigyan ng maayos na libing.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.