PatrolPH

17 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 08:32 PM

Matapos ang tatlong araw na walang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), nakapagtala ngayong Miyerkoles ng 17 karagdagang kaso ng naturang sakit ang lalawigan ng Negros Occidental, batay sa pinakahuling bulletin ng Department of Health Region 6.

Sa mga bagong kaso, 12 ay kinabibilangan ng mga dating na-stranded sa ibang lugar na nakauwi na sa Negros Occidental, habang tatlo naman ang mga umuwing overseas Filipino workers.

Inaalam pa ng awtoridad kung paano nahawa ang ibang dalawa na kapwa hindi locally stranded individual o kaya'y OFW. Hinihintay pa ang karagdagang impormasyon tungkol sa classification nila.

Labing-anim sa bagong kaso ay nasa quarantine facility, at ang isa naman na taga-Talisay City ay nasa ospital.

Sa kasalukuyan, may kabuuang 135 COVID-19 cases na ang Negros Occidental.

Patuloy naman ang paghihintay sa paglabas ng resulta ng swab test mula sa laboratory sa Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital sa Silay City, at sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo.

Hanggang nitong Martes, aabot sa dalawang libong RT-PCR test results ang hinihintay sa dalawang laboratory mula sa mga specimen na ipinadala ng Bacolod City at Negros Occidental.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.