Aplikante ng Philippine Marines, timbog sa droga sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 06:48 AM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaking aplikante ng Philippine Marines matapos mahulihan ng droga sa New Lower Bicutan, Taguig nitong Linggo ng gabi. 

Sa bisa ng search warrant, pinasok at hinalughog ng pulisya ang bahay ni alyas Don, 22.

Nakuhanan ang mga suspek ng 53 sachet ng hinihinalang shabu, 3 sachet ng umano'y marijuana at mga drug paraphernalia. 

Walang nakaraang record na krimen si Don, na isa ring tindero ng pagkaing pastil. 

Pero ayon sa pulis, isinumbong ito sa kanila ng concerned citizen noong nakaraang linggo. Nagsagawa sila agad ng test buy sa suspek na nagpositibo kaya nakakuha sila ng warrant.

Itinanggi ni Don na kaniya ang mga nakuhang drugs o na gumamit at nagbebenta siya nito. 

Aniya, matagal na niyang pangarap na makapagsundalo, pero hirap na itong matuloy dahil sa kahaharapin niyang kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act. 

Pinaghahanap naman ng pulis ang kasamahan ni Don na wala sa bahay noong ipatupad ang search warrant. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.