PatrolPH

Amnesty International: Bulacan 'pinakamadugo' sa drug war

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 06:31 PM | Updated as of Jul 09 2019 06:57 PM

Watch more on iWantTFC

Nanawagan ang grupong Amnesty International (AI) sa United Nations (UN) para imbestigahan nito ang giyera kontra droga sa Pilipinas dahil sa mga patuloy umanong extrajudicial executions na nangyayari.

Iginiit ng AI sa pulong balitaan na kailangan nang manghimasok ng UN at panagutin ang administrasyon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at posibilidad na crimes against humanity ng war on drugs.

Sinabi ni Nicholas Bequelin, regional director ng AI sa East at Southeast Asia, na wala pa ring napatutunayan ang drug war ni Duterte 3 taon mula nang ilunsad ito.

Sa ulat na inilabas noong Lunes, tinawag din ng human rights group na "bloodiest killing field" ang Bulacan. 

Batay sa imbestigasyon at nakalap na ulat mula Mayo 2018 hanggang Abril 2019, sa 20 kaso, 27 ang napatay sa lugar.

Binigyang diin din ng AI ang paglipat sa Bulacan ng mga pulis na dating nangasiwa sa mga umano ay abusive operations sa Maynila.

Dumepensa naman ang Philippine National Police (PNP) matapos tawaguin ng AI ang Bulacan na pinakamadugong sentro ng drug war.

Ayon sa PNP, "stereotyping" o panghuhusga ang pahayag ng AI.

Lehitimo umano ang mga operasyon at iginagalang ng kapulisan ang karapatang pantao.-- Ulat nina Raya Capulong at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.