4 na presong pumuga sa Lamitan, balik-kulungan

Jewel Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 11:11 PM

Apat sa walong inmate na pumuga mula sa Lamitan City Jail sa Basilan noong Linggo ang naibalik na sa kulungan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christopher Panapan, naaresto na ang apat na puganteng sina Norman Bisal, Taha Morales, Ima Muammar at Julasbi Alpa.

Nakuha rin ng mga pulis ang isang M-14 rifle na kinuha ng mga inmate nang tumakas sila.

Apat pa sa mga tumakas ang pinaghahanap ng pulisya.

Hinigpitan na rin ang seguridad sa Lamitan City matapos ang insidente.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dalawang inmate ang nagsabi sa mga jail guard na buksan ang kanilang selda para umano'y magtapon ng basura, pero nakuha ng mga ito ang mga armas ng mga jail guard.

Iniimbestigahan na ng awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.