Pakikiramay sa kaanak ng napatay na Trece Martires vice mayor, bumuhos

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2018 07:55 PM | Updated as of Jul 15 2019 02:55 PM

Politika, sinisilip na anggulo sa krimen

Watch more in iWantTFC

Bumuhos ang pakikiramay sa burol ng napaslang na si Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.

Panganay siya sa pitong magkakapatid at ama sa tatlong anak.

Responsable at mabait ang vice mayor, ayon sa mga kaanak at kabigan.

Tumanggi naman ang Pamilya Lubigan na magsalita ukol sa pagpaslang sa mayor

Magbibigay daw sila ng pahayag sa takdang panahon.

Napatay si Lubigan matapos pagbabarilin habang nasa loob ng kaniyang sasakyan nitong Sabado, Hulyo 7.

Patay din ang driver ni Lubigan na si Romulo Guillemer, habang sugatan ang bodyguard na si Romeo Edrinal.

Watch more in iWantTFC

Nakuhanan pa sa CCTV ang pamamaril.

Galing sa isang gym sa Indang-Trece Road sa Trece Martires City si Lubigan, pasado alas tres ng hapon nitong Sabado.

Sa kuha ng CCTV, makikitang unang sumakay sa black pickup ni Lubigan ang driver na si Guillemer.

Sa tabi naman ni Guillemer umupo si Lubigan bago sumakay sa backseat ang mga bodyguard na sina Edrinal at Jimmy Vicedo.

Paandar na ang pickup ng bise alkalde nang tabihan ito ng isa pang itim na pickup at pinaputukan ang sasakyan ni Lubigan.

Agad namang umalis sa lugar ang itim na pickup. 

Dead on the spot sina Lubigan at ang driver na si Guillemer habang stable na ang sugatang si Edrinal.

Nakaligtas naman si Vicedo.

Ayon sa mga pulis, wala silang nakuhang impormasyon na may banta sa buhay ni Lubigan.

Nakikiramay naman ang Palasyo sa pamilya ng bise alkalde.

Kinondena rin ang sinapit ni Lubigan at pinaiimbestigahan na ito sa pulisya.

"We strongly condemn the ambush of Trece Martires Vice Mayor Alex Lubigan this afternoon... Our condolences go out to the grieving family and friends of the late Vice Mayor Lubigan. We ask the leadership of the Philippine National Police (PNP) to conduct a fair and through investigation and spare no effort in getting to the bottom of this latest crime," pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque.

Tiniyak naman ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na makakamit ng pamilya Lubigan ang hustisya.

Wala rin daw dapat ikabahala sa magkakasunod na pagpatay sa ilang lokal na opisyal.

Ngayong linggo lang, noong Hulyo 2 at 3, magkasunod ding napaslang sina Mayor Antonio Halili ng Tanauan City at Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija.

"Wala naman tayong dapat ikatakot. Hindi naman ito systematic at hindi naman ito pattern. Sabi nga natin, hindi natin alam kung 'yan ay may kinalaman sa pulitika, marami kasing mga dahilan 'yan," ani Albayalde.

Isang special investigation task group ang binuo ng Calabarzon Police.

Iniutos din ng Department of Justice sa National Bureau of Investigation na magsiyasat at alamin kung may kinalaman ito sa pagpatay kina Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Pulitika ang tinitingnang motibo ng pulisya.

Ito na ang ikatlong termino ni Lubigan bilang bise alkalde at balak umano niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.

"Initial findings sa nakatutok sa political angle. Wala namang known kaaway o enemy si Vice Mayor Lubigan... 'yong mga iba niyang negosyo, hindi naman siya he's not a sensational person," ani Chief Superintendent Edward Carranza, regional director ng Calabarzon police.

Ayon sa mga pulis, malabong may kaugnayan sa ilegal na droga ang pagpatay kay Lubigan dahil hindi naman siya kasama sa narco-list.

Nanawagan naman ng makatotohanang imbestigasyon ang Commission on Human Rights na muling nabahala sa nangyari kay Lubigan.

-- Ulat nina Bianca Dava at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.