Sundalo, tumupad sa pangako sa ina kahit huli na

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 07:55 PM

LAKE SEBU, South Cotabato - Magkahalong emosyon ang naramdaman ng isang ina matapos na tuparin ng kanyang anak na hindi niya nakita ng pitong taon ang pangakong uuwing naka-unipormeng pang sundalo.

Tinupad nga ni Private First Class Jobert Hollero ang pangakong ito sa ina, ngunit bumalik siyang wala nang buhay.

"Ang masakit lang sa loob ay pitong taon na hindi ko siya nakita mula nang umalis siya tapos, sabi niya, babalik ako naka-uniporme, pero ito na. Bumalik na nakauniporme pero wala nang buhay. Wala na," pahayag ni Jovita, ina ni Hollero.

Ayon kay Jovita, ang uniporme ay indikasyong nakamtan na ng kanyang anak ang pinapangarap na maging isang sundalo. Pero masakit sa kanya ang pangyayari dahil hindi niya man lamang nayakap ang anak at hindi niya nasabi ng personal kung gaano niya ito ipinagmamalaki.

Namatay si Hollero matapos makipagbakbakan sa Marawi, kung saan nag-umpisang umatake ang mga terorista noong Mayo 23. 

Naisugod pa ang sundalo sa ospital noong Hulyo 3 sa Cagayan de Oro, nasa pitong oras na byahe mula sa Lake Sebu.

Naghanap siya ng paraan para mapuntahan at makita ang anak pero dahil kapos sa pera, kulang ang nahiram niyang pamasahe kaya pinauna niya na lamang ang kanyang mister noong Hulyo 4. Ngayong Sabado sana ang punta niya doon matapos na makalikom ng sapat na pera, pero huli na pala.

"Ngayon sana, byahe ko na sa Cagayan papunta sa kanya para mag-alternate kami magbantay doon. Na-ano din ako na makita ko na siya sa wakas. 'Yun ang inaasam ko pero kahapon, wala na. 'Di niya na ako hinintay. 'Di ko man lang siya nahawakan na buhay pa," sabi ni Jovita.

Dagdag pa niya, wala siyang kamalay-malay na ipinadala sa Marawi ang anak. Pero bago raw ito namatay, nagparamdam na ito sa kanyang pagpanaw.

"Pero noong isang araw, sabi niya, mamang nakita kita ba. Pero andiyan ako sa duyan. Pero wala pa kami dito, hindi niya alam na may duyan duyan. Tumawag siya tapos sabi niya andiyan ka sa duyan. Damit mo blue tapos pajama mo ganyan. Tapos sabi ko 'nasaan ka?' Tapos sabi pa niya na katabi ka ng bahay na maliit. Tapos sabi ko bakit niya alam? Sige ako ng tingin sa taas pero wala man eroplano. Sabi niya nakikita niya ako. Tapos sabi niya, may fireworks dito ba at may shower (ng bala)" kuwento ni Jovita.

Naulila ni Hollero ang isang limang-buwang-gulang na sanggol.

Bayani mang tawagin, hindi pa rin matanggap ng kanyang ina ang sinapit ng anak.

"Bayani, pero walang halaga. Bayani sa (tawag). Sayang," aniya.

Ngayong Hulyo 22 nakatakdang ilibing si Hollero. At kasabay ng kanyang pagpanaw, hiling ng kanyang ina na sanay matigil na ang bakbakan para wala nang inang mangungulila sa anak.

May 87 tropa ng gobyerno na ang nasawi sa halos dalawang buwang pakikipagbakbakan sa mga terorista mula sa grupong Maute at Abu Sayyaf.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.