Pampasaherong jeep, nag-counterflow na Mustang, nagsalpukan sa QC

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 03:46 AM | Updated as of Jul 09 2017 02:01 PM

MANILA — Nayupi ang nguso ng isang Mustang nang bumangga ito head-on sa isang pampasaherong jeep matapos mag-counterflow ang driver ng nasabing muscle car sa Quezon City Sabado ng umaga.

Wasak ang bumper ng dalawang sasakyan dahil sa banggaan sa kanto ng 11th Jamboree Street at Timog Avenue.

Aminado ang driver ng kotse na si Robert Vedua na nakainom siya bago mangyari ang insidente. Handa raw siyang panagutan ang nasirang bumper ng jeepney.

Naperwisyo naman umano ang driver ng jeep na si Ruel Sedigo, dahil papunta pa lang siya sa transportation terminal sa Cubao upang pumasada nang maganap ang insidente.

Kwento ni Sedigo, nang maging berde ang signal ng stoplight, napansin niyang nag-counterflow si Vedua at sinalubong ang kanyang jeep. 

Nagtamo ng maliliit na galos sa kaliwang braso si Vedua.

Inalis ng mga awtoridad ang mga sasakyan para hindi magdulot ng trapiko. 

Nagpaalala naman ang mga traffic enforcer na kung nakainom ay huwag nang bumiyahe para maiwasan ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.