PatrolPH

Operasyon sa Ormoc Airport, balik-normal na

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 11:53 AM

Operasyon sa Ormoc Airport, balik-normal na 1

Balik na sa normal na operasyon ang Ormoc Airport, Sabado, matapos makumpleto ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang inspeksyon sa mga runway at terminal ng paliparan, dalawang araw makalipas yanigin ng 6.5-magnitude na lindol ang Leyte.

Sa isang advisory, sinabi ni Manuel Skee Tamayo, DOTr Undersecretary for Aviation, na kumpleto na rin ang pag-pintura sa runway na magsisilbing babala sa mga eroplano kaugnay sa napinsalang bahagi nito.

Operasyon sa Ormoc Airport, balik-normal na 2
Balik normal na ang operasyon ng paliparan sa Ormoc City matapos mainspeksyon ang bahagyang bitak sa bahagi ng runway bunsod ng lindol noong Huwebes. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Nagkaroon ng bahagyang bitak ang isang bahagi ng runway ng paliparan dahil sa pagyanig.

Ngunit ayon sa Cebu Pacific, kailangan daw muna nitong gumawa ng sariling inspeksyon sa Ormoc Airport bago ibalik ang araw-araw na Cebu-Ormoc-Cebu flight.

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng Cebu Pacific na kailangang pumasa sa operational requirements ng airline ang kondisyon ng paliparan.

Base sa impormasyon na natanggap ng CAAP Operations Rescue and Coordinating Center, walang pinsala sa mga paliparan sa Calbayog, Catarman at Tacloban Airport, kung saan regular na nag-ooperate ang commercial flights.

Wala ring naitalang pinsala sa iba pang paliparan sa Biliran, Borongan, Catbalogan, Guiuan, Hilongos at Maasin.

- ilang ulat mula kay Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.