Mag-live-in partner, patay matapos pagbabarilin sa Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 01:32 AM

Patay ang isang mag-live-in partner matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bayan ng Arayat, Pampanga nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, nakasalubong ng mga biktima ang mga suspek at pinagtangkaan umano silang nakawan sa Pandacaqui Road, Barangay Telepayong, alas-onse ng gabi.

“Unang binaril, lalaki. Tapos tinanong daw sila kung nasaan iyong pera at cellphone nila. Sabi ng babae, wala. Naasar ata iyong gunmen binaril na din siya,” ani Police Supt. Samuel Sevilla, hepe ng Arayat Municipal Police.

Kinilala ang mga biktima na sina Analiza Bumatay, 33, at Rodelio Cabanlig, 39.

Ayon sa kapatid ni Bumatay, pauwi na mula sa Isabela ang mga biktima kung saan sila nagbenta ng palamig at pagkain.

"Ganyan kasi nakagisnan ko sa mag-asawa na iyan. Kung san may malaking kita — kunwari mga pista — dun sila pumupunta,” ani Annabel Nuqui, kapatid ng biktima.

Kasama ng mga biktima ang isa nilang trabahador na nakuhang makatakas nang barilin ang kanyang mga amo.

Agad ding tumakas ang mga suspek at hindi nakuha ang P34,000 na kita ng mga biktima.

Magsisilbing witness ang trabahador ng mga biktima, pero hindi pa rin inaalis ng pulisya ang anggulo ng inside job.

Nakaburol ngayon sa Pandacaqui Resettlement sa bayan ng Mexico ang bangkay ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.