Kuryente, naibalik na sa ilang bahagi ng Leyte

Melanie Bingco and Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 07:12 PM

KANANGA, Leyte - Naibalik na ang kuryente sa ilang kabahayan dito sa bayan, Sabado, dalawang araw matapos tumama ang isang 6.5-magnitude na lindol sa kalapit na bayan ng Jaro.

Ayon kay Manuel Gardoque, hepe ng municipal disaster office, naayos na ang daloy ng kuryente sa halos 60 pursiyento ng bayan.

"Masaya (kami) kasi may kuryente na, hindi na mainit," saad ni Sally Montecarlos, isa sa mga residente dito.

Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, inaasahan na bubuti ang serbisyo ng kuryente dito sa loob ng tatlo hanggang pitong araw dahil nagsisimula nang kumpunihin ang mga planta na nasira dahil sa lindol.

Samantala, wala pa ring kuryente sa mga bayan ng Capoocan na ilang kilometro lamang ang layo mula sa epicenter ng lindol.

Pansamantalang ginagamit ng lokal na pamahalaan ang mga "solar-generated lamp posts" upang ilawan ang mga daan sa pagsapit ng gabi.

Ayon kay Federico Carolino, Jr., bise-alkalde ng Capoocan, naglaan na ang lokal na pamahalaan ng pondo para bigyang ayuda ang mga residenteng napinsala ang bahay dahil sa lindol.

Dalawa ang namatay at higit 100 ang sugatan dahil sa pagyanig sa Leyte Huwebes ng hapon. Ilang planta rin ng kuryente ang nagtamo ng pinsala dahil sa lindol.