Ilang apektado ng lindol, biktima rin ng 'Yolanda' noon

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 08:02 PM | Updated as of Jul 09 2017 02:13 AM

Dumating na nitong Sabado, Hulyo 8, ang tulong para sa mga apektado ng magnitude 6.5 na lindol sa Leyte. 

Karga ng BRP Batak ng Philippine Navy ang 9,307 litro ng tubig, 11.2 tonelada ng iba't-ibang relief goods mula sa Cebu Chamber of Commerce and Industry at ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, at 40 tonelada ng malinis na tubig mula sa Philippine Navy.

Isa sa mga nabigyang tulong ang pamilya ni Dionaldo Lopez. Sugatan sila ng kaniyang misis matapos mabagsakan ng pader ng kanilang bahay. 

Nabigyan man ng tulong, humihingi pa rin ang pamilya Lopez ng dagdag na tulong para maisaayos ang kanilang gumuhong bahay.

Kabilang din sa mga naapektuhan ng pagyanig ang bayan ng Capoocan sa Leyte na 18 kilometro lang ang layo mula sa bayan ng Jaro, ang epicenter ng lindol.

'Di malilimutan ng residenteng si Flordeliza Enriquez kung paano sinira ng lindol ang kanilang bahay. 

“Hindi pa nga kami nakaka-recover sa Yolanda, heto na naman lindol,” ani Enriquez.

Kasama ang bayan sa mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.

Ilang metro mula sa bayan ng Capoocan, makikita rin sa bayan ng Carigara ang mga bahay na napinsala ng lindol.

Ang bahay ng pamilyang Grabol, tanging sa mga kawayan na lamang nakasandal kaya't hindi pa tuluyang bumagsak.

Kuwento ni Jun Grabol, minsan nang hinagupit ng bagyong Yolanda ang kanilang bahay, pero ayaw nilang iwanan dahil tatlong henerasyon ng pamilya nila ang tumira roon.

Nananawagan ng tulong ang mga residente sa lokal na pamahalaan.

“I just don't know if we have the budget. Usually we can give financial assistance, but limited per person,” pahayag ni Federico Carolino Jr., vice mayor ng Capoocan, Leyte.

Suplay ng kuryente, di pa lubos na naibabalik sa mga nilindol na lugar

Apektado pa rin ang suplay ng kuryente sa dalawang bayan kaya malaking tulong ang paggamit ng mga solar-generated lamp posts ng Capoocan tuwing gabi.

Sa Kananga naman, 60% na ng kuryente ang naibalik ngunit apektado pa rin ang negosyo ng ilan dahil sa brownout. 

Sa Tacloban City naman, may libreng charging station dahil wala pa ring kuryente.

Pahirapan din ang paghahanap ng mabibilhang tubig na maiinom dahil sarado ang ilang refilling station dahil sa brownout.

Samantala, balik-operasyon na rin nitong Sabado ang Ormoc Airport matapos masuri na ligtas nang gamitin.

 Evacuees, di pa rin makauwi dahil sa patuloy na banta ng landslides

Kasalukuyang tumutuloy sa Rizal National High School sa Kananga, Leyte ang 104 indibidwal na apektado ng landslide. 

Walang kasiguruhan kung kailan sila papayagang bumalik sa kani-kanilang bahay dahil hanggang ngayon, banta pa rin ang pagguho ng lupa bunsod ng aftershocks at panaka-nakang ulan.

Sa barangay Rizal sa Kananga, Leyte pa rin, mahigit 70 pamilya ang inilikas dahil sa pagguho ng lupa.

Matatanaw naman mula sa Sitio Abucayan ang gumuhong bahagi ng bundok.

Ayon sa lokal na pamahalaan, binabantayan pa rin ng ilang kalalakihan ang kanilang bahay tuwing umaga. Pero pagkagat ng dilim, lahat sila'y bumabalik sa evacuation center dahil sa pangambang hindi agad maabot ng tulong sakali mang magkaroon ng landslide sa gabi.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, dalawa ang patay sa lindol habang 72 iba pa ang sugatan.

Mayroon ding mahigit P1 bilyong kabuuang halaga ng tulong at pondong nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasalanta.

Sa halagang iyan, mahigit P250 milyon ang kabuuang halaga ng 'family food packs' at iba pang uri ng relief goods.

Mahigit P864 milyon naman ang naka-standby na pondo ng DSWD para agad na makatugon sa mga biktima.

-- Ulat nina Jorge Cariño, Ranulfo Docdocan, at Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.