Hinihinalang kampo ng NPA, nadiskubre sa Bukidnon

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 05:03 PM

CABANGLASAN, Bukidnon - Nadiskubre ng mga sundalo ang isang hinihinalang kampo ng New People's Army (NPA) dito sa bayan, Sabado.

Ayon kay 1Lt. Erwin Bugarin ng Philippine Army 8th Infantry Battalion, natunton ng mga awtoridad ang pugad ng NPA matapos umatras ang halos 50 na rebelde sa pakikipagsagupaan sa militar.

Nakuha sa kuta ng mga rebelde ang ilang matataas na kalibre ng armas, bala, mga pampasabog, gamot, pagkain, at iba't ibang subersibong dokumento, ani Bugarin.

Nakikipag-ugnayan na ang militar sa mga pulis upang madakip ang mga nakatakas na armadong lalaki.

Kamakailan lang ay nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rebelde na tigilan na ang pakikipaglaban sa puwersa ng gobyerno upang matuloy na ang usapang pang-kapayapaan. 

Matatandaang sinuspinde ng gobyerno ang pakikipag-usap sa National Democratic Front of the Philippines noong Mayo dahil sa kabi-kabilang pag-atake ng NPA, ang armadong pangkat ng komunistang grupo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.