Bulacan massacre, sisiyasatin sa SOCO

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 01:07 PM | Updated as of Jul 08 2017 02:06 PM

Di pa rin matanggap ni Dexter Carlos ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang mag-iina at biyenan.

Namamasukan bilang security guard sa isang bangko sa Makati si Dexter Carlos para masuportahan ang kaniyang pamilya. Night shift ang duty ni Dexter kung kaya’t lagi niyang pinaalalahanan ang kaniyang misis, tatlong anak, at biyenan na mag-ingat kapag aalis siya sa gabi.

“Ang sinasabi ko sa kanila, lagi nilang [siguruhing] i-lock ang bahay,” ani Dexter. “Kapag natutulog, tapos may kumatok ng alanganing oras, huwag niyong buksan. ‘Yan yung lagi kong binibilin sa asawa ko kasi alam nilang walang lalaki dito sa bahay.”

Bagaman magdamag sinisiguro ni Dexter ang seguridad sa bangkong pinapasukan niya, wala siyang kamalay-malay na ang seguridad ng kaniyang pamilya ang nalagay naman sa peligro.

Alas-6 ng umaga noong Hunyo 27 nang matapos ang duty ni Dexter. Nang makauwi, nagtaka raw si Dexter dahil nakakandado pa rin ang gate ng kanilang bahay.

“Iyong hindi pangkaraniwan na napansin ko, walang sumalubong sa’kin. Dati-dati pagdating ko diyan, makita pa lang nila yung motor ko, bababa na yung mga anak ko. Tatanungin na nila kung may pasalubong ako,” kwento ni Dexter.

Sinuri ng SOCO ang bahay kung saan pinaslang ang limang biktima sa San Jose del Monte, Bulacan

“Nagbusina ako. Nagsisigaw ako. ‘Tanghali na!’ Wala pa ring sumasagot.”

Noo’y napagdesisyunan ni Dexter na akyatin ang bakod ng kanilang tirahan. Subalit naka-lock rin ang harapang pinto.

Nang sumilip sa bintana si Dexter, laking gulat nang makita niya ang kanyang biyenan na hubo’t hubad at duguan.

Dali-dali siyang nagpunta sa likod ng kanilang bahay para pumasok sa kusina, ngunit mas nanlumo si Dexter sa kaniyang nakita.

“Nagtakbo ako [sa likod ng bahay] para makapasok ako. Pagpasok ko, nakita ko na ang misis ko diyan na nakahandusay, patay na, duguan na.”

Tiningnan din niya ang kondisiyon ng tatlo niyang anak na nasa kuwarto.

“Pinulsuhan ko pa kung mayroon pa, pero wala na. Malamig na sila.”

Sinuri ng SOCO ang bahay kung saan pinaslang ang limang biktima sa San Jose del Monte, Bulacan

Dahil sa tindi ng mga pangyayari, di raw malaman noon ni Dexter ang kaniyang gagawin. Noo’y lumabas ng bahay si Dexter at nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Sino-sino nga ba ang mga salarin sa karumal-dumal na krimen na ito? Tutukan ang imbestigasyon sa San Jose del Monte massacre ngayong Sabado sa SOCO (Scene of the Crime Operatives) pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.