Babaeng nagbebenta ng pekeng prangkisa at plaka, timbog sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 01:36 AM

Timbog ang isang babaeng nagbebenta umano ng mga pekeng prangkisa at plaka ng mga pampublikong sasakyan sa Taguig nitong Sabado.

Naaresto ng pulisya si Amelita Amorin sa isang entrapment operation matapos magsumbong ang tatlong nabiktima niya.

Ayon sa tatlong complainant na sina Arlene Mercadera, Roberto de Sotto, at Ronnie Samonte, humingi sa kanila ng P40,000 ang suspek para sa pagsasaayos ng prangkisa at plaka.

At wala rin daw itong maibigay na opisyal na papeles galing sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kanya.

Giit niya, wala raw siyang natatanggap na ganoong kalaking pera mula sa complainants.

Gayunpaman, nakakuha pa rin daw ng malaking halaga ng pera si Amorin lalo na't pitong taon siyang nameke umano ng serbisyo sa mga complainant.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Southern Police District headquarters sa Taguig habang patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.