PatrolPH

Comelec office sa Maynila muling dinagsa ng mga magpaparehistro bilang botante

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2022 09:34 PM

Kahit umuulan, hindi natinag ang mga nakapila sa tanggapan ng Comelec sa Arroceros, Maynila nitong Hulyo 7, 2022 para magparehistro sa barangay at SK elections. Raya Capulong, ABS-CBN News
Kahit umuulan, hindi natinag ang mga nakapila sa tanggapan ng Comelec sa Arroceros, Maynila nitong Hulyo 7, 2022 para magparehistro sa barangay at SK elections. Raya Capulong, ABS-CBN News

MAYNILA — Muling dinagsa ngayong Huwebes ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Arroceros sa Maynila para sa pagpaparehistro ng mga botante sa barangay at Sangguniang Kabataan polls.

Sa haba ng pila, umabot na sa tapat ng Central Station ng LRT ang dulo nito. Hindi na rin nasunod ang physical distancing.

Karamihan sa mga nakapila ay mga kabataan na first time boboto sa darating na barangay at SK elections sa Disyembre 5. 

Ang ilan sa kanila na maagang dumating, sa pila na nag-almusal para matiyak na makapagpaparehistro sila.

Pasado ala-1 ng hapon nang umulan pero hindi pa rin natinag ang mga nakapila kahit nababasa na ang ilan sa kanila.

Ayon kay Gregorio Bonifactio, election officer ng Comelec District 4 Manila, inaasahan na nila na dadagsa at dodoble ang bilang ng mga magpaparehistro dahil sa mga SK applicant at 3 linggo lang din ang ibinigay ng komisyon para sa pagpaparehistro.

Inanunsyo rin ng Comelec Manila na simula bukas, Hunyo 8, sa malls na ang voter resgistration sites ng ibang distrito sa lungsod:

  • District 1 at District 4 - SM Manila
  • District 5 - Robinsons Ermita
  • District 6 - Robinsons Otis
  • District 2 and District 3 - Comelec Manila

Nagsimula ang registration period noong Hulyo 4 at tatagal ito hanggang Hulyo 23, 2022.

Bukas ang registration mula Lunes hanggang Sabado, pati na sa holiday, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Umaapela rin ang Comelec Manila sa mga magpapareshistro na sagutan na ang form bago pa magtungo sa tanggapan nito o sa registration site para mapabilis ang pila.

Available sa mga tanggapan ng Comelec ang form. Maaari rin itong i-download mula sa Comelec website.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.