Kuha ng St. John The Baptist Church
Apat na chalice ang ninakaw sa isang simbahan sa San Fernando, Camarines Sur nitong Huwebes.
Kinondena ng pamunuan ng St. John The Baptist Church ang pagnanakaw sa simbahan.
Pasado alas-4 ng madaling araw kanina nang matuklasan nilang nawawala ang mga kalis na nakatago sa sakristiya ng simbahan.
Gagamitin sana sa pang-umagang misa ang mga kalis na itinuturing na ispiritwal na yaman ng simbahan at pinakamahalagang ginagamit sa eukaristiya o oras ng komunyon.
“This is an offense against the church, against the Catholic faith. We should strongly condemn those 'parahabon',” saad ng parokya sa isang Facebook post.
“Ang demonyo pinapapasok sa katauhan nila. Ipamalita po natin na ang nagnakaw ng apat na kalis at ikondena,” dagdag nito sa wikang Bikol.
Posibleng umanong dumaan lang sa inaayos pang pintuan ng simbahan ang kawatan.
Humingi na ng tulong ang simbahan sa pulisya na masusing maimbestigahan ang insidente, lalo’t ilang beses nang napagnakawan ang simbahan.
Hinikayat rin nila ang publiko na tumulong sa kinauukulan para mabawi ang mga kalis.
“As of now po, under investigation, may nirereview po kami na CCTV for possible identification,” ani Pol. Lt. Anthony Bueza, OIC ng San Fernando Municipal Police Station.
Ang kalis ay isang tasang ay kadalasang ginagamit para sa pag-inom ng alak na pinaniniwalaang nagiging dugo ni Hesukristo sa mga misa sa Simbahang Katolika. —Ulat ni Jonathan Vega Magistrado
KAUGNAY NA BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.