PatrolPH

19 sa 24 nagpalistang magpapabakuna sa Agoncillo evacuation center umatras

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 07:39 PM | Updated as of Jul 07 2021 09:48 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Umurong sa pagpapabakuna ang maraming evacuee sa Barangay Barigon, Agoncillo, Batangas na namamalagi doon dahil sa pag-aalboroto ng Taal Volcano.

Ayon kay barangay chairman Magno Humarang, 5 lamang sa 24 na mga nagpalista ang tumuloy sa pagpapabakuna. 

Katwiran umano ng iba kaya umatras ay dahil natatakot.

Patuloy namang kinukumbinsi ang mga evacuee na magpabakuna lalo't maraming pamilya ang nagsasama-sama sa iisang lugar, na posibleng magdulot ng outbreak.

Nasa 914 residente ang kinukupkop ng Barangay Barigon.

Mahirap marating ang barangay dahil nasa bundok ito pero doon nagtungo ang maraming residente dahil alam nilang ligtas doon mula sa bagsik ng Taal.

Bagama't may dumadating na mga pagkain, nanawagan si Humarang ng dagdag na suplay gaya ng bigas dahil baka kapusin sila.

Gatas naman ang apela ng ilang mga nanay para sa kanilang mga anak.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.