PatrolPH

Saludo sa mga bayani: 6 sa sundalong nasawi sa C-130 crash, sinalubong sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 04:14 PM

Binigyan ng military honor ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Cagayan de Oro ang bangkay ng anim sa sundalong nasawi sa C-130 plane crash sa Sulu.

Binigyan ng military honors ng 4th Infantry Division (4ID) ng Philippine Army sa Cagayan de Oro ang pagdating ng anim na mga bangkay ng mga sundalo na kasama sa mga nasawi sa C-130 transport plane crash sa Jolo, Sulu noong Hulyo 4.

Lumapag sa CDO Miyerkoles ng umaga mula Zamboanga City ang air force plane C295 na lulan ang mga labi ng anim na sundalong kinilalang sina:

- Sgt. Butch D. Maestro ng Balingoan, Misamis Oriental 
- Pvt. Vic A. Monera ng Dagumbaan, Bukidnon
- Pvt. Raymar C. Carmona ng Agusan del Norte
- Pvt. Mel Mark L. Angana ng Malaybalay, Bukidnon
- Pvt. Mark Nash P. Lumanta ng Dagumbaan, Bukidnon 
- Pvt. Marcelino H. Alquisar ng Impasug-ong, Bukidnon

Mismong ang bagong talagang commanding general ng 4th ID na si Major General Romeo Brawner ang namuno sa pagbibigay-pugay sa mga namatay na sundalo.

Saludo sa mga bayani: 6 sa sundalong nasawi sa C-130 crash, sinalubong sa CDO 1
Mananatili ng isang araw sa gym ng 4th Infantry Division ng Philippine Army ang mga labi ng 6 na sundalo bago iuwi sa kani-kanilang mga bahay

Nangako ng tulong ang Philippine Army sa mga pamilya ng mga namatay na sundalo na itinuring na bayani.
 
Sumalubong din ang mga pamilya at mahal sa buhay ng mga sundalo. 

Dapat sana araw ng Biyernes at Sabado ang alis ng mga sundalo papuntang Jolo. Ayon sa mga pamilya, dapat sinigurong ligtas ang eroplano ng mga sundalo bago sila nakaalis. 

Sabi ng ina ni Pvt. Monera na si Vilma, dapat siniguro na hindi overloaded ang eroplano. 

"Dapat siguraduon daan ang facilities ang usa pud overloaded. Naa man gani naulahi dapat gitu-nga," sabi niya.

(Dapat sinigurado ang facilities ang isa din overloaded. Meron ngang naiwan, dapat hinati.)

Ganito rin ang sentimyento ng kapatid naman ni Pvt. Alquisar na si Jocelyn.

"Siguruhon ang masakyan ok kay amung nahibaw-an Biyernes or Sabado kay gipabalik sila kay naa gamay nga diperensya," sabi ni Jocelyn. 

(Sinigurado sana ang masakyan nila kasi ang alam namin sa Biyernes o Sabado ang alis nila. Pinabalik daw sila kasi merong diperensya.)

Karamihan ng sakay ng Hercules C-130 na eroplano ay mga army graduates mula sa Candidate Soldier Training at Non Commissioned Officers na nagboluntaryo na ma-deploy sa 11th Infantry Division sa Sulu.

Ang anim ay kasama sa 50 sundalo na nasawi sa pagbagsak ng eroplano na ikinamatay rin ng 3 sibilyan sa Sulu.

KAUGNAY NA BALITA:

Watch more on iWantTFC

- Ulat ni PJ dela Peña

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.