Nakita raw ni Mark ang isang army na malubha rin ang kalagayan kaya pinauna nya itong dalhin sa ospital. Courtesy of Mark Anthony Ibay
MAYNILA — Labis ang sakit na nararamdaman ni Eden Agana, asawa ng aeromedic na si Technical Sgt. Mark Anthony Agana.
Sakay si Mark ng C-130 na lumipad patungong Patikul, Sulu noong Linggo. Naaksidente ang eroplano habang nagla-landing.
Sabi ni Eden, huli silang nag-usap ni Mark sa cellphone bago umalis ang C-130 sa Villamor Airbase. Ang sinabi raw ni Mark kay Eden ay mag-videocall sila pagdating sa Jolo.
Bago mag-takeoff ang C-130 sa Cagayan De Oro, nag-message pa raw si Mark kay Eden na papunta na silang Sulu.
Nag-reply si Eden na mag-ingat siya pero hindi na naka-reply ang sundalo.
Nabalitaan na lang nila ang insidente at nang malaman nilang buhay si Mark at ginagamot sa pribadong ospital ay nakampante ang buong pamilya nila.
Pero kinabukasan, masamang balita ang bumungad sa kanila. Hindi naisalba ang buhay ni Mark.
Kwento naman ng kapatid nya na si Maricris, sinabi umano ng mga kasamahan ni Mark na noong inililikas ang mga survivor sa pagbagsak ng C-130, isa dapat sya sa mga unang isasakay sa dumating na ambulansya.
Pero nakita nya raw ang isang sundalo na malubha rin ang kalagayan kaya pinauna nya itong dalhin sa ospital.
Para kay Maricris, isang kabayanihan ang ginawa ni Mark kaya gusto nilang malaman kung nakaligtas at nabuhay ang sundalo na pinagbigyan ni Mark sa ambulansya.
Nakatakda na sanang magretiro si Mark sa susunod na taon dahil mag-20 years na siya sa sebisyo.
Plano sana nilang magnegosyo na lang para kapiling pa ang pamilya pero hindi na mangyayari ito.
Naulila ni Mark ang dalawang anak na pawang mga bata pa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, C-130, C-130 crash, Sulu, Sulu crash, sundalo, army, miltary, militar, military crash, military plane, relatives c-130 crash, Zamboanga City, regional, regions