PatrolPH

Nakatalon bago sumabog: Survivors ng C-130 crash ibinahagi ang pinagdaanan

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 08:34 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — "Hello po, sa mga nagsabi na wala na po ako, naka-survive po ako mga lodi."

Umabot na sa higit 1 milyong views ang post na ito ni Private First Class Nathaniel Bongcayao sa kanyang social media account.
     
Dito ipinaalam niya na siya ay nakaligtas sa pagbagsak ng C-130 sa Sulu noong Linggo.

Nasunog ang kanang bahagi ng kanyang mukha dahil sa nangyari.
     
Tumalon siya sa apoy nang magkaroon siya ng pagkakataon na makalabas sa C-130. Agad din siyang gumapang palayo sa eroplano bago ito sumabog.

"Nakatago po ako sa niyog, naririnig ko pa ang sigaw ng tropa ko. Sumisigaw sila tapos pagsabog wala na... Hindi kasi sila nakalabas sa gitna kasi na-trap," aniya. 

Ginamit naman ni Private Cyrille de Castro ang kanyang 2 kamay para takpan ang kanyang ulo noong nasusunog ang eroplano.

"Nalaglagan ako ng apoy sa kamay kasi prinotektahan ko ulo ko... Tumalon ako sa mga gamit, doon po ako dumaan," aniya.

Patuloy na nagpapagaling ngayon sa Camp Navarro General Hospital at iba pang pagamutan ang survivors ng plane crash.

Nakalagak naman ang labi ng 30 sa mga nasawing sundalo sa Tangan gym sa loob ng Naval Forces Western Mindanao.
     
Labinsiyam na bangkay ang nakilala na ng Armed Forces of the Philippines. 

BATA NADAMAY 

Watch more on iWantTFC

Isang graduating grade 6 pupil naman ang isa sa mga sibiliyan na nasunog ang katawan matapos madale ng C-130 plane ang bahay ng kaniyang tiyuhin sa Patikul.

Nanonood lang ng TV sa bahay ang 13 anyos na si Khandawi Ahaddi habang hinihintay ang kanyang ina na dumadalo sa isang kasalan.

Sa kuwento nito sa kanyang ina, narinig umano ni Khandawi ang malakas na ugong ng eroplano kaya siya lumabas ng bahay.

"Paglabas niya lang ng bahay, nakita niya 'yung eroplano papunta na sa kanya ang apoy na galing sa tambutso. Naano na siya. Nasunog na siya... Pagbangon niya, lahat ng nakapalibot sa kanya apoy na lahat. Di na niya alam kung saan siya tatakbo kasi hindi na niya makita 'yung daan. Tapos tumakbo na 'yung tatay niya," ani Marcelina Ahaddi, ina ng biktima. 

Mas lalong nag-alala si Marcelina dahil habang nasa pagamutan sa Jolo, di umano maidilat ni Khandawi ang kanyang mga mata.

Ga-graduate na sana sa grade 6 si Khandawi sa Hulyo 12. Di na rin siya nakadalo sa pictorial para sa yearbook noong Lunes. 

Pero sa gitna ng kanyang kalagayan, nalungkot pa umano ito dahil ginupit ang kanyang suot na bagong damit pagdating sa ospital para malapatan ng paunang lunas ang kanyang mga sugat sa braso.

"Sabi ko, kung puwede lang, ako na lang ang maganyan, parang di ko talaga kaya makita siyang ganun," sabi ng ina ng bata.

Ayon kay Marcelina, nangako ang AFP na sasagutin lahat ng gastusin sa ospital.

Black box ng C-130 narekober na

Watch more on iWantTFC

Samantala, nakuha na ang black box at iba pang mahalagang bahagi ng C-130.

Bukod naman sa pag-aasikaso sa crash site, kasabay ding inaasikaso ng Philippine Army ang mga residenteng naapektuhan ng pangyayari.

—Ulat nina Queenie Casimiro, Leizel Lacaste-Santos, at Jorge Cariño, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.