PatrolPH

Police station sa Iloilo City isinailalim sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 11:57 AM | Updated as of Jul 07 2021 12:01 PM

Police station sa Iloilo City isinailalim sa lockdown 1
Umabot na sa 13 pulis ang nagpositibo sa COVID-19 kaya isinailalim sa pansamantalang lockdown ang Iloilo City Police Station 6.

ILOILO CITY - Isinailalim sa lockdown ang Police Station 6 sa Arevalo, Iloilo City matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 13 nitong pulis.

Nagsimula ang lockdown nitong Martes para bigyang daan ang gagawing disinfection sa gusali. Wala pang ibinigay na petsa ang awtoridad kung hanggang kailan magtatagal ang lockdown sa estasyon. 

Ayon kay Iloilo City Police Office Director, Police Col. Uldarico Garbanzos, unang isinailalim sa swab test ang mga pulis na close contact ng kabarong namatay dahil sa cardiac arrest na nagpositibo rin sa COVID-19 noong Hunyo 25.

Apat sa mga pulis ang agad na nagpositibo sa COVID-19 base sa resulta ng kanilang swab test.

Isinailalim din sa swab test ang naging close contacts ng apat at base sa resulta nitong Hulyo 6, siyam pa ang nagpositibo sa kanila.

Kaagad na ipinasara ng Iloilo City Police Office (ICPO) ang gusali ng Iloilo City Police Station 6 para hindi na kumalat pa ang virus.

Nagdagdag na ng tauhan ang ICPO para sa patuloy na operasyon ng naka-lockdown na estasyon.

Nasa quarantine facility na ang 12 pulis na pawang asymptomatic habang nasa ospital naman ang isa matapos makitaan ng sintomas.

Naka-strict quarantine naman ang iba pang miyembro ng pulisya ng nasabing estasyon, kabilang na ang hepe nito.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.