PatrolPH

Ilang residente ng Tanauan, Batangas nangangambang lumikas

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 07:21 PM

Watch more on iWantTFC

Dalawang beses nasira noong nakaraang taon ang bahay ni Rose de Roxas sa Sitio Mahabang Buhangin, Barangay Maria Paz sa Tanauan, Batangas.

Una ay nang pumutok ang Bulkang Taal noong Enero at nang tumama ang Bagyong Quinta noong Oktubre.

Hindi pa man tapos ang pagkukumpuni ng mga bahay sa sitio, nangangamba ang mga residente na lumala ang aktibidad ng bulkan ngayon.

Gayunpaman, nag-aalangan pa si De Roxas na lumikas dahil sa pangamba ng pandemya, lalo't nananatiling COVID-19-free ang kanilang lugar.

"'Di nga kami namatay sa putok ng bulkan, sa COVID naman, kaya nakakatakot ngayon," ani De Roxas.

Hindi naman maisip ng kabarangay ni De Roxas na si Esperanza Bayani kung paano ililikas ang 7 anak kung tuluyang pumutok ang bulkan.

Kailangan kasing tawirin ang lawa sakay ng bangka para makalikas dahil walang mga kalsada papasok sa kanilang lugar.

"Nag-aalala po kasi ang iniisip ko nga sa dami kong anak, 'di ko alam sino'ng tutulong para makalikas sila," ani Bayani.

Pinagbawal din ng lokal na pamahalaan ang pangingisda kaya marami sa mga taga-sitio ang walang pinagkakakitaan ngayon.

Bilang pag-alalay sa kanilang pangangailangan, itinawid ng ABS-CBN sa lawa ng Taal ang supply ng bigas, mga de-lata, alcohol, vitamins at ligtas bags na may lamang emergency supplies para sa mga residente ng Sitio Mahabang Buhangin.

Nanawagan din ng dagdag na suporta ang lokal an pamahalaan para sa iba pang supply, tulad ng tubig.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.