'Dapat alisin na': Labor Secretary Bello, kinuwestyon ang board at Bar exams

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 10:00 PM | Updated as of Jul 07 2021 10:06 PM

MAYNILA - Kinuwestyon ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang patuloy na pagsasagawa ng board examination para sa mga nurse, engineer at pati na rin ang bar examination sa mga nagnanais na maging abogado. 

Sa virtual news forum ng Department of Labor and Employment, sinabi ni Bello na malaking tulong sana sa mga nakapagtapos na ng mga kursong nursing, engineering, abogasya at iba pa kung wala na silang board examination para makapagtrabaho na agad.

Paliwanag ng kalihim, mahabang panahon naman na ang pinagdaanan ng mga ito simula sa kanilang pagiging estudyante sa kolehiyo at kaliwa’t kanan na ring examination ang kinuha nito sa panahon ng kanilang pag-aaral. 

Lumutang ang ideyang ito ni Bello sa pakikipag-usap niya sa mga opisyal ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng mataas na demand para sa mga Filipino nurses sa ibang bansa. 

Sa July at September ayon kay Bello ay magkakaroon ng board examination ang mga nakapagtapos ng kursong nursing kung saan tinatayang 9,000 ang kukuha ng pagsusulit. 

Ayon kay Bello, nabanggit na rin niya ang ideyang ito sa pakikipagpulong sa Philippine Nurses Association at Board of Nursing.

Dagdag pa ni Bello, pati pagkuha ng bar examination ng mga nagnanais maging abogado ay hindi na rin dapat pang ginagawa.

"In my meeting and dialogue with Philippine Nurses Association and the Board of Nursing, sinabi ko…alam ninyo why don’t you recommend na we do away with the examination. Sabi ko bakit kailangan pa natin ng examination? Kagaya kako sa BAR, why don’t we do away with BAR… tutal yung estudyante may 4-years pre-law, 4-years proper, dadaan ka sa rigorous scrutiny, tapos dadaan ka pa sa BAR. Tapos nakita mo naman yung mga nagta-top sa BAR hindi naman sila kasinggaling pagdating sa practice. Although I am not trying to demean that," ani Bello.

Binigyang diin pa ng kalihim, napakamahal na ng gastos sa pagkuha ng kursong nursing at sa buong panahon ng kanilang pag-aaral ay maraming examination na ang pinagdaanan ng mga ito.

"Napakamahal na kumuha ng kursong nursing, kukuha sila ng 4-years…after graduating kukuha sila ng board exam. Bakit pa kailangan ng board exam eh ilang exam ang dinaanan nila sa nursing. First year, second year, third year, fourth year. May prelims, may midterm may finals…eh puro na lang exam, they do not trust the schools where these nurses came from? Especially so kung yung eskwelahan na pinanggalingan nila ay acredited by CHED," ani Bello.

Kaya dahil dito, sinabi ni Bello na magandang pag-aralan ang kanyang ideya at para makapagrekomenda sa kongreso na tanggalin na ang examination na dagdag gastos lang aniya sa mga nurses at iba pang kurso.

"Dapat alisin na 'yung mga board exam sa mga engineer, board exam ng mga dentistry, bar exam. Eight years ka nang nag-aaral para maging abogado, pumasa ka na sa lahat ng exam, kukuha ka pa ng Bar? tapos minsang magkakamali ka siyempre during the exam medyo sumama ang pakiramdam mo, babagsak ka…eh nasaan ang katarungan 'dyan?" tanong pa ni Bello

Aminado naman ang kalihim na sa ilalim ng batas ay kailangan talagang kumuha ng examination ng mga gustong maging nurse. 

Sinabi ni Bello na maaaring maging isa ito sa kanyang panukalang batas sakaling maging bahagi ng law-making body ng pamahalaan. Pero nilinaw ng kalihim na masyado pang maaga para magdesisyon siya kung sasabak sa eleksyon sa 2022.

"I will probably consider recommending it and kung I will be part of the legislative body that would be my pet bill kung sakasakali lang naman pero hindi pa natin alam kung pupunta ako ‘dyan o kung tutuloy ako sa pagka-labor secretary, ang dami pa nating gagawin dito sa Department of Labor eh," ani Bello.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC