PatrolPH

Tangkang pagbudol sa lola sa QC naagapan ng sekyu sa bangko

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2021 06:13 PM | Updated as of Jul 08 2021 08:31 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Muntik nang matangayan ng pera ang isang lola sa Quezon City matapos siyang biktimahin ng mga umano'y miyembro ng budol-budol gang, pero suwerteng napigilan ito ng isang guwardya.

Kita sa isang CCTV ang kasambahay na si alyas "Lourdes," 78, na papauwi na sana mula sa pinapasukang bahay sa Anonas.

Bigla siyang nilapitan ng isang babae na nagtatanong kung nasaan ang isang grocery. 

Sinamahan ni Lourdes mag-tricycle ang babae pero pagdating doon ay may mga kasamahan pala ang suspek.

Pinasakay si Lourdes sa isang sasakyan, kung saan daw mayroong pera. 

Kuwento ni Lourdes sa pulisya, 6 ang tao sa sasakyan. Sabi nila, kailangan daw nilang magpapalit ng dolyar at tinanong ang matanda kung may pamalit itong pera o alahas.

"Sabi nila kung ayaw mong Philippine money dollar na lang. Naengganyo naman ako dahil wala na akong dollar account. P200,000 papalitan nila ng dollar. Happy na sana ako," ani Lourdes. 

Dala ni Lourdes ang isang passbook, na gamit umano nito kapag pinagwi-withdraw siya ng kaniyang amo. 

Matapos noon nagtungo sila sa isang branch ng bangko para tangayin ang pera.

Pero ang di alam ng mga suspek, kilala ni Lourdes ang guwardiya at alam nito ang kadalasang transaksyon ng lola.

Kadalasan daw ay P30,000 lang ang kinukuhang pera ng matanda pero noon ay P200,000 sana ang balak niyang i-withdraw.

Tumawag ang mga guwardya sa barangay at mabilis naman silang rumesponde. 

Hindi na-withdraw ang pera pero may ilang alahas ang nakuha kay Lourdes. 

Sa video, kitang lumalayo na ang suspek pero naabutan ang isa at dinala sa presinto. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

Kinasuhan ng swindling ang isang suspek habang patuloy ang follow up operation sa mga kasamahang nagtangkang mambudol.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.