MAYNILA — Inaasahang may madadagdag na military aircraft para sa Philippine Air Force sa kabila ng nangyaring trahedya sa Jolo, Sulu kung saan bumagsak ang C-130 cargo plane na maghahatid sana ng mga sundalong madedestino sa lugar nitong weekend.
Sabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa Pre-SONA Media Launch Virtual Presser nitong Miyerkoles ng hapon, may mga bagong eroplanong bibilhin ang gobyerno para sa mga sundalo.
"Mayroon tayong naka-program na 2 brand new C-130. Na-approve na ito ng Congress noon, at inaayos natin ang papeles nito at dokumento para sa procurement," sabi ni Lorenzana.
"Naririyan din iyong dalawang C-295 na mas maliit na transport plane na ayos na rin ang kontrata niyan, at saka apat na N212 na galing sa Indonesia na mas maliit na transport plane. So, tuloy-tuloy pa rin ang pag-aangkat natin ng mga eroplano," dagdag pa niya.
Bukod dito, isinasapinal pa umano ng Philippine Air Force ang kontrata ngayong taon para naman sa procurement din ng fighter jets.
Aminado si Lorenzana na napabagal ng COVID-19 pandemic ang AFP modernization program ng administrasyon dahil naurong ang procurement para sa mga gamit ng Philippine Navy at Philippine Air Force.
Gayunman, bumabawi na muli ang gobyerno sa programang ito, lalo na't mahalaga aniyang madagdagan ang kapasidad ng militar na maghatid ng mga personnel, supplies at iba pang gamit sa mga lugar ngayong may pandemya.
"So tuloy-tuloy iyan. Iyong ating 2nd phase ng ating modernization ay hanggang 2022. Siguro, ang aking ma-accomplish diyan before the year ends, bago iyong horizon na iyon, magawa natin na 70 to 80 percent ng target natin sa modernization," sabi ni Lorenzana.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, AFP modernization, AFP, Air Force, military procurement, Delfin Lorenzana, C-295, N212, C-130, C-130 crash, Sulu, Sulu crash, sundalo, army, miltary, militar, military crash, military plane, relatives c-130 crash