MAYNILA - Hindi pala-gadget ang panganay ni Kevin Samson na si Andrei.
Pero ngayong lockdown, nasanay na itong gumamit ng gadget para malibang sa bahay.
"Bago po mag-lockdown hindi naman sya ma-computer o ma-gadget kasi hindi po namin sya binibigyan ng phone so nag-start lang po talaga nung na-lockdown dun lang po talaga sya naging dependent sa phones," ani Samson.
May problema na umano si Kevin sa mata dahil sa trabaho niya sa call center kaya nag-aalala siya sa pagbabad ng anak sa computer games, lalo na kapag nag-online schooling na.
"We tried to control naman po pag medyo pag napapansin namin more than four hours na siyang nakababad kaya pinipigilan namin syang humawak ng phone. Ang kinakatakot po namin baka madalas na po pag nag-classes na po so ayun po," ani Kevin.
Ayon sa Philippine Society of Pediatric Ophthalmology and Strabismus, dumarami ang mga magulang na ikinokonsulta ang mga anak na nagka-digital eyestrain o pagkapagod ng mata buhat ng lockdown.
“Most of the kids complaint of eye strain because during the lockdown madalas nasa harap sila ng TV or naglalaro sila ng gadget,” ani Dr. Fay Cruz.
Ilan sa sintomas ng digital eye strain ang pagluluha ng mata, panlalabo ng paningin, pagkatuyo ng mata at pananakit ng ulo.
“’Yung digital eye strain hindi rin yan bago sa mga matatanda lalo na sa mga nagwo-work from home makakaranas talaga tayo niyan mapapansin ninyo may mga batang magsasabi ng sumasakit yung ulo nila mahapdi ang mata naluluha o yung ibang bata since hindi sila makapag-complaint mapapansin niyo either pikit nang pikit or blink nang blink o nagkukusot ng mata,” ayon kay James Abraham Lee, isang pediatric ophthalmologist.
At dahil sa online schooling madadagdagan pa aniya ang pagbabad ng mga bata sa gadget.
“Online schooling and we cannot help it ideally meron tayong mga certain limits na ibibigay pa rin sa ating mga students at home especially for parents para hindi rin sila masyadong kinakabahan,” ani Lee.
Payo ng mga doktor, gabayan ang mga bata sa tagal ng gadget exposure.
Siguruhin din aniyang naka-eye level at nakaupo nang maayos ang bata kapag nasa harap na ng computer.
Ilayo rin ang computer o cellphone nang 18 inches mula sa mata.
Dapat ding i-adjust ang liwanag at letra sa screen sa kung ano ang komportableng antas. Dapat ding ugaliing kumurap.
Maaari ring gumamit ng eye lubricant kung may panunuyo depende sa rekomendasyon ng espesyalista.
Ang pinakamahalaga naman ay ang 20-20-20 rule o iyong pagpapahinga ng mata nang 20 segundo, kada 20 minuto sa layong 20 talampakan.
“Encourage your child to take breaks in between the classes which is also we would like teachers or educators parents to know na even online na tayo, the children that are to be in front of the screen would meet their breaks,” ani Lee.
“Away titingin sila sa malayo kasi that's the only way that our focusing muscles are medyo relax as compared to masyadong malapit our focusing muscles are always contracted so you need to relax it, look something 20 ft away or by closing their eyes,” ani Lee.
Hindi rin inirerekomenda ng mga doktor ang paggamit ng blue filter screen o eyeglasses dahil hindi pa ito napapatunayan na may epekto sa mata. — Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, online classes, eyes, mata, online classes, mata, digital eye strain, lockdown