Pila ng mga bus mahaba sa unang araw ng tigil-operasyon ng MRT

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:41 PM | Updated as of Jul 07 2020 03:55 PM

Humaba ang pila ng mga bus sa unang araw ng pansamantalang tigil-operasyon ng MRT-3. 

Maaalalang itinigil muna ang operasyon ng tren kasabay ng pagdami ng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nitong umaga ng Martes ay humaba ang pila ng mga sa point-to-point buses sa MRT North Avenue. 

May ilan ang dismayado dahil alas-5 na ng umaga ay hindi pa nag-uumpisa ang operasyon ng bus augmentation program ng DOT-r.

Ayon sa isa sa mga pasaherong si Leomared Campos, maaga siyang naglakad mula bahay sa Munoz papunta ng MRT North Avenue para makaabot sa kanyang trabaho sa Mandaluyong ng alas-7 nang umaga pero matagal din ang inabot bago siya makakuha ng sakay.

Samantala, mahaba man ang inabot na pila sa Taft Avenue ay sunod-sunod naman ang pag-alis ng mga bus sa naturang istasyon. 

Kasabay nito, may mga guwardiyang tumutulong sa pagsasaayos ng pila at binabantayan ang pagsunod sa physical distancing.

May kumukuha rin ng temperatura at may mga alcohol sa terminal. Naka-personal protective equipment din ang mga kawani ng MRT na kumukuha ng mga ticket. 

Para maayudahan ang mga pasahero, nagdagdag ng unloading areas ang mga bus sa Ortigas at Guadalupe. Bukod pa ito sa mga kasalukuyang istasyon sa North Avenue, Quezon Avenue, at Ayala. 

Pero para lamang sa unloading ang mga istasyon sa Ortigas at Guadalupe at hindi puwede magsakay ng mga pasahero.

Magugunitang sinuspinde nila ang operasyon ng MRT-3 bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga positibo sa COVID-19 sa kanilang personnel, sa bilang na 186.

Nakapuwesto naman ang 90 buses para sa bus augmentation ng MRT-3, na may tig-3 minutong interval. 

Aabot naman sa 150 buses naman ang itinalaga ngayon sa EDSA busway service mula Monumento hanggang PITX.

Tatagal hanggang Hulyo 11 ang tigil-operasyon ng MRT.

— Ulat nina Jekki Pascual at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.