PatrolPH

Nanghihina, sugatang pawikan sinagip ng mga mangingisda sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 04:25 PM | Updated as of Jul 07 2020 04:58 PM


ALAMINOS CITY, Pangasinan — Nailigtas ng mga mangingisda ang isang sugatang sea turtle o pawikan dito at kanila itong dinala sa tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para maisalba. 

Ayon sa city veterinarian, puno ng gasgas ang katawan ng pawikan na posibleng dahil sa pagkakasabit sa fishnet. 

Agad itong nilapatan ng paunang-lunas at inilagay sa maayos na container.

Sa pagsusuri, posibleng naghahanap ito ng makakain at lugar kung saan maaaring mangitlog.

"Puwede rin pong nawawalan sila ng pagkain sa ibang part ng mga dagat natin kaya naghahanap po sila ng mga ibang makakainan so napupunta po sila sa mga sea shore. Iyon din po puwedeng season na rin ng pangingitlog nila so bumabalik po sila doon sa mabuhangin para doon na po ihukay iyong kanilang mga itlog," paliwanag ni Dr. Joel Caasi, attending veterinarian ng Alaminos City.

May laking 26 x 31 inches ang sea turtle na may bigat na higit 10 kilo.

Paliwanag ng veterinarian, ang isang sea turtle ay may average na 100 itlog.

Bibihira rin daw na may mga pawikan tulad ng sea turtle ang nagagawi sa dalampasigan.

Posibleng isa sa dahilan nito kung bakit napapadpad sa laot ang mga pawikan ay ang malinis na karagatan lalo’t nakatulong daw ang community quarantine para makapahinga ang dagat sa polusyon na dulot ng komersiyo. 

"Medyo nabawasan po iyong waste na napupunta sa ating mga karagatan at siyempre nalinisan din iyong ating karagatan, kaya siguro dumarami rin sila," ani Caasi. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.