Mga namamalengke kaniya-kaniyang diskarte para sa ligtas na pamimili

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:23 PM

Mga mamimili sa market sa Blumentritt area sa Maynila. ABS-CBN News

MAYNILA — Kaniya-kaniyang diskarte ang mga mamimili para masunod ang health at safety protocol, tulad ng social distancing, sa kanilang pamamalengke upang maiwasan ang pagkahawa sa coronavirus disease (COVID-19).

Hindi pa rin kasi maiwasang dumami ang mga tao na pumupunta sa mga pamilihan ngayong nasa mas maluwag na general community quarantine ang maraming bahagi ng bansa, kasama ang Metro Manila.

Sa Blumentritt Market sa Rizal Avenue, Maynila, halimbawa, kinukuhanan muna ng temperatura ang mga mamimiling naka-face mask bago papasukin ng palengke.

Karaniwang pinipilahan sa palengke ang mga puwestong nagtitinda ng mga ulam at pagkain.

Naglagay pa ng karatula ang tindera ng mga gamit sa bahay na si Virginia Reyes para ipaalala sa mga suki na maglayo-layo.

"Para iwas po sa hawa-hawa," sabi ni Reyes sa panayam ng ABS-CBN.

"Kahit ganito kami, gusto rin namin makaiwas sa sakit na hindi natin nakikita," dagdag ni Reyes.

Para hindi sumabay sa dagsa ng mga tao, may ibang mamimili na mas maagang pumupunta sa palengke.

"'Pag umaga, alas-5 maluwag pa... 'pag alas-8 [ng umaga] nagkukumpulan na mga tao," sabi ng mamimili na si Dudoy Degrano.

Ayon naman kay Hazel Hernandez, nagsusuot na lang siya ng face mask at nagdadala ng alcohol bilang pagi-ingat habang namamalengke.

Doble-ingat din ang mga lokal na opisyal na nagbabantay at nagpapatupad ng mga health protocol.

"Nakakatakot pa rin eh. Dapat maghigpit," ani Niño Basilio, volunteer ng Barangay 365 sa Maynila.

Hiling sa publiko ng mga nagbabantay na pairalin ang disiplina sa lahat ng oras para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, na tumama na sa higit 46,000 sa bansa.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.