Mas mataas na SRP sa baboy itinakda; grupo pumalag

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 06:50 PM | Updated as of Jul 07 2020 08:06 PM

Nagtakda na ng panibagong suggested retail price ang Department of Agriculture sa produktong baboy sa Metro Manila ngayong limitado ang supply nito dala ng African swine fever (ASF).

Sa ngayon, nasa P230 ang kada kilo ng pigue at kasim mula P190 kada kilo. 

Nasa P250 kada kilo naman ang SRP ng pork liempo mula P225 kada kilo. 

Paliwanag ni Agriculture Asec. Noel Reyes, nagkaroon ng limitadong suplay dala ng outbreak ng ASF

“Dahil kumonti ang supply ng baboy di ba nag-ASF, itong mga nandito ngayon, 'yung baboy ngayon 'yan yung mga inalagaan mula 6 months ago. Kasagsagan nung ASF, 6 months ago wala pang COVID di ba? Karamihan niyan tinamaan yung mga inahin. 300,000 na halo-halo. May mga inahin, may mga fatteners, may mga biik. So ngayon kinatay na rin yun lahat 300,000,” ani Reyes. 

May ilang pamilihan, gaya ng ilang tindahan sa Marikina at Novaliches Market na nasa P260 hanggang P280 ang kada kilo ng produktong baboy.

Kaya ramdam ang matumal na bentahan ng baboy sa mga pamilihan ngayon. 

Umangal naman ang grupong Laban Konsyumer lalo at maraming walang trabaho dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Panawagan nila sa DA, pag-aralan at kung maaari bawiin muna ang naturang SRP na masyado umanong mataas para sa pangkaraniwang konsyumer. 

"Di ko alam kung bumabawi talaga yung mga negosyante dahil dalawa, tatlong buwan din silang bagsak ang negosyo pero bakit at the expense of the consumer," ani Dimagiba. 

Kapag nagtuloy-tuloy umano ang pagsipa ng presyo ng baboy, naniniwala ang grupo na susundan ito ng taas-presyo ng produktong manok dahil nagsisimula na ring tumaas ang farmgate price nito. 

Hinimok naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura na iparating ang sobrang suplay ng baboy mula sa Visayas at Mindanao.

"Dapat tulungan ng Department of Agriculture, tulungan ng mga hog raisers ng Mindanao and Visayas maship yung mga hog nila dito sa Luzon yun lang ang solusyon talaga. Kasi ang kailangan ng mga consumer eh fresh na katay. Di naman natin puwede i-import 'yun,” ani Rosendo So, chairman ng grupo. 

Ayon sa DA, hindi na nila muna mababawi ang SRP dahil pinag-aralan at isinangguni naman daw nila ito sa sahog raisers. 

Ginagawan na rin umano nila ng paraan para maiparating sa Luzon ang mga baboy mula Visayas at Mindanao para madagdagan ang suplay. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.