PatrolPH

Manicure, waxing services at iba pa, papayagan sa MGCQ areas

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 05:22 PM | Updated as of Jul 07 2020 07:23 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Papayagan na ang nail services, facial care at iba pang personal care services sa mga lugar na naka-modified general community quarantine, ayon sa coronavirus task force ng bansa. 

Alinsunod ito sa Inter-Agency Task Force Resolution 52 kung saan pinalawig ang bilang ng mga serbisyong papayagan sa mga beauty parlor at barber shop sa ilalim ng modified at general community quarantine areas. 

MGCQ

  • Eyebrow threading
  • Eyelash extension
  • Facial massage
  • Waxing 
  • Threading
  • Shaving
  • Foot spa
  • Hand spa 

GCQ 

  • Lahat ng haircutting at hair treatment services 

Pero paalala ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga establisimyento na dapat sumusunod ang mga salon at barbershop sa hand sanitation and hygiene, pagsusuot ng face mask, face shields at gloves at dapat mag-sterilize ng mga equipment na ginagamit sa mga customer. 

Sa ngayon 30 porsiyento lang ng operation capacity ng salon at barbershop ang papayagan sa GCQ, habang 50 porsiyento naman sa MGCQ. 

Pero pagsapit aniya ng July 16, iaakyat ito sa 50 porsiyento para sa GCQ at 75 porsiyento para sa MGCQ. 

May itinakda ring mandatory health standards at protocols ang Department of Trade and Industry gaya ng pagpapatupad ng "no face mask, no entry" policy. 

Dapat pa rin mayroon thermal scanning at bawal sa loob ang mga may temperatura na 37.5 degrees Celsius pataas, maging iyong may sintomas ng COVID-19 gaya ng ubo, sipon at hirap sa paghinga. 

Dapat rin ay magparehistro ang isang customer sa safepass or staysafe.ph o kaya sa health declaration checklist para mapadali ang contact tracing. 

Inuutos rin ng DTI na kinakailangan may distansya na isang metro ang bawat upuan ng customers at dapat may proper ventilation at exhaust system ang salon o barbershop. 

Malinis rin dapat ang CR, at mayroong alcohol na magagamit. 

Bawal rin aniya ang may companion o kasama ang isang customer maliban nalang kung talagang kinakailangan. -- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.