Lalaki patay matapos 'manlaban' sa Negros Occidental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 12:29 PM | Updated as of Jul 07 2020 02:51 PM

Patay ang isang lalaki matapos manlaban umano sa isang buy-bust operation sa Kabankalan City, Negros Occidental noong Biyernes.

Sa imbestigasyon ng Kabankalan Police, pasado alas-8 ng gabi nang isinagawa ang buy-bust operation sa nasawing lalaki na si John Ross Repique sa Purok Paraiso sa Barangay Hilamunan.

Ayon sa pulisya, nagpaputok ng kaniyang armas si Repique kaya’t napilitan ang mga operatiba na barilin ito.

Isang .38 kalibre na armas na walang serial number at limang mga bala ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente.

Nakuha rin ang isang sling bag na may lamang 19 na malalaking sachet ng suspected shabu at isa pang malaking sachet na nagsilbing buy-bust item. Tinatantiyang 102.9 gramo ang bigat ng kontrabando na nakuha at nagkakahalaga ito ng nasa P700,000.

Na-recover din ang cash na mahigit sa P34,000 na pinaniniwalaang kita mula sa ilegal na transaksyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.