Dahil sa pandemya: Mag-partner napilitang mangalakal, manirahan sa abandonadong kotse

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:31 PM

Kung dati-rati, komportable si Kristina Dela Cruz at kinakasamang si Rommel sa sa kanilang bahay sa Delpan, Tondo, sa manipis na trapal at isang unan na lang sila humihiga sa tinutuluyang kotse. ABS-CBN News

MAYNILA - Walang mag-aakalang sa puting kotse na inabandona lang sa gilid ng Bonifacio Drive sa Maynila lumalaban ang isang pamilya sa kabila ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) 

Kung dati-rati, komportable si Kristina Dela Cruz at kinakasamang si Rommel sa sa kanilang bahay sa Delpan, Tondo, sa manipis na trapal at isang unan na lang sila humihiga sa tinutuluyang kotse. 

“‘Yong kinakasama ko walang permanenteng hanapbuhay. Tuluyan siyang nawalan ng ineekstrahan. Nangangalakal na lang kami. Wala na kaming kakayahan na umuwi sa dati naming tinitirhan,” ani Dela Cruz. 

Dati, kumikita siya nang arawan nang P400 sa pagtitinda ng tubig. 

Naputol ito nang magkaroon ng community quarantine. 

Limitado rin aniya ang kita nila sa pangangalakal dahil. mangilan-ngilan pa lang ang bukas na mga junk shop. 

“Hindi naman nila sinabi na hindi kami nagbabayad, kami ang kusang umalis kasi yung kinikita namin sa pangangalakal, sakto lang din sa pangkain,” ani Dela Cruz. 

Problema rin ni Dela Cruz ang sakit niyang hika na maaaring dahilan para madali siyang kapitan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sinisiguro na lang nilang lagi silang naka-face mask lalo na sa kalsada lang sila namamalagi. 

Bukod sa kanilang dalawa, katuwang nila ang mga alagang aso at pusa na nagbibigay-saya sa araw-araw. 

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.