'COVID nand'yan pa rin': Mutation ng SARS-CoV-2 mas nakahahawa, paalala ng eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagpaalala sa publiko ngayong Martes ang isang infectious disease expert sa mas nakahahawang mutated variant ng coronavirus na sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Yung nakikita natin sa buong mundo, lalo na sa Europa, at sa US at sa South America, parang napalitan na nitong bagong virus na may mutation, yung dating virus. At mukhang mas mabilis siyang mag-spread," sabi ni Dr. Edsel Salvaña ng University of the Philippines’ National Institutes of Health.

"Pero hindi naman siya mas nakamamatay or mas virulent. Mas mabilis lang talaga siyang makahawa.”

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Salvaña na wala pa namang kumpirmasyon kung kumakalat na sa Pilipinas ang mutated form ng SARS-CoV-2. Bagama't kung ang "behavior" ang pagbabasehan, maaaring nasa bansa na raw ito.

Ani Salvaña, Marso nang makita ng mga dalubhasa ang mutation ng virus na siyang sanhi ng COVID-19. Tinatawag itong D614G. Ang R naught (o bilang ng taong maaaring mahawahan ng isang COVID-19 patient) nito ay 6 hanggang 9, kumpara sa orihinal na virus na may R naught na 1.5 to 2.5.

“Ngayong June, mga 95 percent na nung nakikita nilang sequences ng virus ay ito ng mutation... Nakita nila na up to 10 times pa nga mas infectious yung virus sa laboratory kapag ginamit mo yung mutation na yun,” sabi niya.
 
Bagamat hindi aniya nagbago ang mortality rate ng virus na nasa .5 percent hanggang 1 percent, maari itong sumipa ng 5 percent hanggang 10 percent kung hindi maaalagaan nang mabuti ang mga pasyenteng may severe at critical cases at ma-overwhelm ang healthcare system. 

Ang Philippine Genome Center ay nagsagawa na ng sequencing ng virus noon pang Marso para makumpirma kung nasa bansa na ang mutated variant.

“Walo pa lang po yung nagagawa natin (na sequencing)... Based on the recent data globally, most likely po talaga, nandito na po talaga yung virus na yan na mas nakakahawa, at kinakailangan po nating mag-ingat,” sabi ni Salvaña.

Wala pa ring gamot sa kasalukuyan para sa COVID-19 at patuloy ang mga pharmaceutical companies sa paghahanap at pag-develop ng vaccine laban sa COVID-19.

“Optimistically, baka as early as September, may results na po tayo d'yan... Sa ngayon, at least 3 are already on phase 3. There’s about 5 more that are entering phase 3 soon,” sabi niya, patungkol sa dini-develop na vaccine.

Hanggang Phase 4 umano ang pag-develop ng vaccine, pero, "after Phase 3, pwede nang ibenta ang bakuna."

"Kung matapos po itong Phase 3 at makita natin na safe and effective itong mga bakuna, pwede na pong ibigay sa general public," paliwanag ni Salvaña.

Isa sa mga may “very encouraging” results ay gawa ng Pfizer kung saan ang antibody levels ay mas mataas kaysa sa taong nagkaroon ng COVID.

“Ang ibig sabihin po nito ay may potential siya na hindi lang mapapababa yung severity ng COVID sa isang tao, it can also block transmission. Yun po ang gusto natin sa vaccine - aside from protecting the person na binakunahan mo, gusto mong gawin na hindi na sila nakakahawa at maba-block yung onward transmission para ma-eliminate yung pandemic,” sabi niya. 

Sa kinakaharap na mas nakahahawang variant ng virus, hinikayat ni Salvaña ang publiko na maging mas maingat at gumamit ng mask. 

“Para ‘di natin ma-transmit sa ibang tao at ‘di tayo mahawa. Mag-ingat po tayo lagi dahil ang COVID, nandyan pa rin, naghihintay ng konting butas para ma-infect po kayo,” sabi niya. 

Sa pinakahuling tala ng Department of Health nitong Lunes, umabot na sa 46,333 ang kabuuang bilang ng COVID-19 kaso sa Pilipinas kung saan 12,185 ang mga gumaling at 1,303 ang mga namatay.