Baguio LGU tutulungan ang Cebu City sa pagpapaigting ng contact tracing

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 06:46 PM

Tutulungan ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang Cebu City para lalong mapaigting ang kanilang kampanyang mapuksa ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa siyudad. 

Dumalo sa siyudad si Retired Police Lt. Gen. at Baguio City Mayor Benjamin Magalong at 6 pang tauhan na tutulong sa contact tracing efforts ng gobyerno. 

Maaalalang itinuring ng Department of the Interior and local government ang Baguio bilang “model city” sa contact tracing. 

"It's one of the most stressful strategy in containing the virus. what is important here is there is sufficient number of teams and at the same time one particular team is complete," ani Magalong. 

Paglalahad ni Magalong, ginagamit sa Baguio ang technique na ginagamit ng mga pulis sa case investigation para makuha ang kinakailangang impormasyon. 

Pagkatapos, gagamitin nila ang teknolohiya para pagtagpi-tagpiin ang mga impormasyon. 

Sa tala ng Department of Health - Central Visayas, nasa 6,870 ang kabuuang COVID-19 cases sa Cebu City. 

Aabot sa 3,750 dito ang active cases. 

Nasa 1,636 ang nasa ospital at 2,114 ay nasa isolation facilities. 

Samantala, humingi ng paumanhin si Cebu City Mayor Edgar Labella kaugnay ng hindi pagkakatugma ng mga COVID-19 cases ng kanilang city health department. 

Ani Labella, sa DOH Region 7 sila manghihingi ng datos. 

-- Ulat ni Donna Lavarez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.