8 sa anti-terror law protest sa Laguna kinasuhan bago pinalaya

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 12:29 PM | Updated as of Jul 07 2020 02:52 PM

Walo sa 11 ng mga naaresto matapos magprotesta laban sa anti-terror law sa Cabuyao, Laguna ang kinasuhan ng mga awtoridad ng illegal assembly at disobedience bago sila palayain.

Pinalaya ang 8 matapos mag-issue ng release order si Cabuyao Assistant City Prosecutor Brenda Rhea Esalbon Mangahis. 

Violations ng Bayanihan to Heal as One Act, at Batas Pambansa 880 tungkol sa illegal assembly at disobedience sa mga awtoridad ang ikinaso laban sa walo. Napalaya nitong Linggo ang tatlong minors na hindi sinampahan ng kahit anong reklamo dahil sa kanilang edad.

Itinakda naman ang preliminary investigation sa kaso nila sa July 16.

Ayon sa mga awtoridad, walang permit ang binansagang "Cabuyao 11" nang magprotesta at walang kinalaman ang pag-aresto sa kanilang layang ipamahayag ang kanilang sentimiyento laban sa anti-terror law.

Labag din umano sa COVID-19 policies ang isinagawang protesta sa gitna ng pandemiya.

"Actually pinakiusapan natin sila diyan na 'wag ng ituloy at 'wag nasilang maghikayat ng mga tao para sumali sa rally nila. Hindi naman nila tinugon ng panawagan natin sa kanila," ani Police Lt. Col. Reycon Garduque, hepe ng Cabuyao Police.

Ayon naman kay Charm Maranan, spokesperson ng Defend Southern Tagalog, paso na ang Bayanihan to Heal as One Act na basehan ng isa sa mga balak umanong ikaso sa kanilang mga kasama.

"These accusations are baseless. The Bayanihan to Heal as One Act has already lapsed. It's no longer effective because it has a clause saying when it is effective. They followed social distancing. They were all wearing facemask to the whole duration of the program. And they are actually done with the program when they dispersed," ani Maranan.

Kinondena rin nila ang sitwasyon sa loob ng custodial facility ng Cabuyao City Police Station kung saan dinala ang mga raliyista.

"Napakasikip nung loob ng mga piitan sa kanila. Hindi rin agad at least for the boys na naka-detain, hindi agad nabibigay na pinapabigay namin sa kanila," ani Maranan. 

"Mainit at siksikan talaga yung loob ng selda na pinaglagyan sa kanila."

Umani na nag madaming batikos at protesta ang kontrobersyal na anti-terror law, na puwede umanong magpatahimik sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa mga eksperto.--May ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.