5 'akyat-bahay' na binatilyo timbog sa Calamba, Laguna

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 11:43 PM

CALAMBA, Laguna - Limang menor de edad ang naaresto matapos mahuli umanong pumasok sa isang bahay sa lungsod na ito at magnakaw noong Lunes ng madaling araw.

Nakuha sa CCTV footage ang pag-akyat sa isang bahay sa Barangay Bucal ng isa sa mga suspek at ang pagsenyas niya sa mga kasama para pumasok sa bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.

Pagkalipas ng kalahating oras, kita sa CCTV ang mga lalaki na nagmamadaling makalabas tangay ang ilang gamit ng may-ari na wala noon sa bahay.

Bukod sa mamahaling mga relo at bag may natangay ring mga alahas ang mga salarin kaya umabot sa halos P2 milyon ang nanakaw sa biktima.

Gamit ang footage, isa-isang natunton ng pulisya ang limang suspek.

Ayon sa pulis, posibleng may sindikato sa likod ng tila akyat-bahat modus nila.

Nasampahan na ng kasong pagnanakaw ang mga batang suspek.

Hinihintay pa ng pulisya ang utos ng piskalya kung ituturn-over sila sa Department of Social Welfare and Development para sumailalim sa reformation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.