30 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:13 PM

MAYNILA — Tinatayang aabot sa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa isang residential area sa Quezon City nitong umaga ng Martes.

Pasado alas-7 ng umaga sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Barangay Culiat na gawa sa light materials, na mabilis kumalat sa mga katabing bahay, ayon kay Fire Insp. Enrico Navarro ng Quezon City-Bureau of Fire Protection.

Bandang alas-8:35 ng umaga umano naapula ang apoy at aabot sa 14 bahay ang natupok.

Nahirapan umano ang mga bombero na apulahin ang apoy dahil masikip papasok ng eskinita patungo sa mga nasunog na bahay.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog, na umabot hanggang ikalawang alarma.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.