Pagsasanay sa 'green jobs' alok ng TESDA

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2019 04:58 PM | Updated as of Jul 07 2019 06:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Unang beses ni Rolando Magpantay, 43, sumailalim sa pormal na pagsasanay sa landscaping sa pamamagitan ng kursong alok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Bagaman higit 2 dekada nang may landscaping business, inamin ni Magpantay na marami pa siyang dapat malaman.

"Dito, natutunan namin step-by-step talaga kung paano saka iyong pati pakikipag-usap sa client," sabi sa ABS-CBN News ni Magpantay.

Sa trabaho naman bilang electrician gagamitin ni Joniger Biazupardo, 32, ang kaalaman sa photovoltaic installation o pagkabit ng solar panel.

"Naisip ko po na kung pino-promote ng ating bansa itong solar installations, mangangailangan sila ng mga solar installer so naisip ko po kumuha [ng pagsasanay] bilang paghahanda," ani Biazupardo.

"Para ma-equip din o madagdagan 'yong kaalaman ko pagdating sa field ng electrical installation," dagdag niya.

Dahil sa umuusbong na pangangailangan sa "green jobs" o mga trabahong nakatutulong na mapangalagaan ang kalikasan, sinimulan na rin ng TESDA ang pagbibigay ng mga pagsasanay kaugnay nito.

Ayon kay TESDA Spokesperson Florencio Sunico, alinsunod ang programa ng TESDA sa utos ng Philippine Green Jobs Act of 2016 na magsanay ng mga maaaring magtrabaho sa "green economy."

"May batas na nilagdaan... that mandated TESDA to formulate training programs. Skills-training, assessment and certification. To develop a pool of graduates that would serve the needs of a green economy," ani Sunico.

May 35 araw ang training sa landscaping habang 47 araw naman sa solar panel installation. 

Kasama na rin sa green training ng TESDA ang iba pang mga kurso gaya ng agriculture and fishery, land transport and e-vehicles, construction, at refrigeration and air-conditioning.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.