P400-K halaga ng 'shabu' nasamsam sa Taguig buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2019 11:39 PM

MAYNILA — Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P400,000 halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang drug suspect sa buy-bust operation sa Taguig City noong hapon ng Sabado.

Ikinasa ng pinagsamang puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Taguig City Police Station, at Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region ang operasyon sa C6 Road, Barangay Lower Bicutan bandang alas-4:45 ng hapon, ayon sa ulat na inilabas ngayong Linggo ng NCRPO.

Kinilala ng mga awtoridad ang naarestong suspek bilang si Jamel Pontino, 24 anyos.

Nakuha ng mga awtoridad sa operasyon ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 25 gramo at nagkakahalagang P200,000. Narekober naman sa sasakyan ng suspek ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu na may parehong timbang at halaga.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dadalhin ang suspek at ebidensiya sa Philippine National Police Crime Laboratory para sumailalim sa drug test at laboratory examination. -- Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.