30,000 TNVS drivers inaasahang lalahok sa tigil-pasada sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2019 06:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nasa 30,000 transport network vehicle services (TNVS) drivers ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada sa Lunes para iprotesta ang pagbabawal sa mga hatchback na sasakyan at ang umano ay pahirap na proseso sa pagkuha ng permit mula sa mga regulator.

Idaraos ang protesta mula alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi sa loob ng Quezon Memorial Circle at Diokno Avenue.

Nais ng mga magpoprotesta na payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makabiyahe ang mga sasakyang hatchback, ani Metro Manila Hatchback Community chairman Jun de Leon, isa sa mga nag-organize ng event.

Dahil sa "transport holiday," pinangangambahang mahirapan ang mga pasahero na makapag-book o kaya ay tamaan sila ng surge o mas mataas na pasahe.

Sinabi naman ni Grab Philippines President Brian Cu na nakausap na niya ang ilang lider ng grupo ng TNVS drivers.

Hindi rin siya sang-ayon sa "transport holiday" at mas mainam umanong idaan na lang sa maayos na usapan ang problema.

Tuloy din ang pakikipag-usap ng Grab sa LTFRB para malutas ang isyu.

Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), babantayan nila ang "transport holiday" para makaresponde sakaling magkaroon ng problema.

May inaayos na ring mga alternatibong masasakyan ang NCRPO para sa mga maaapektuhang pasahero.

Sa kabila ng "transport holiday," nauna nang inanunsiyo ng LTFRB na magkakaroon sila ng diyalogo sa TNVS operators, stakeholders at iba pang apektado ng isyu.--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.