Pulong ng mga obispo, sinalubong ng panawagan ng hustisya sa mga pinaslang na pari

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2018 11:37 AM | Updated as of Jul 07 2018 03:17 PM

MAYNILA - Sinalubong ng isang programang humihiling ng hustisya para sa mga paring pinaslang kamakailan ang pagbubukas ng plenary meeting ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) nitong Sabado.

Suot ang mga sakong damit na may kulay lila na krus, nagtipon-tipon ang iba't ibang grupo sa Pope Pius Catholic Center sa Maynila bitbit ang isang kabaong na may nakaipit na mga katagang "kalayaan," "sovereignty," "EJK," "respect," at "PCGG" o ang Presidential Commission on Good Government.

Pumasa nitong Mayo sa Kamara ang isang panukalang-batas na naglalayong buwagin ang PCGG, isang ahensiyang inatasang habulin ang bilyon-bilyong perang ninakaw umano ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Dala rin nila ang mga tarpaulin ng mga larawan nina Fr. Marcelito Paez, Fr. Richmond Nilo, at Fr. Mark Anthony Ventura - ang mga paring pinaslang sa nakalipas na anim na buwan. 

Pinatay si Paez, coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines in Central Luzon, noong Disyembre 4. Bago ang kaniyang kamatayan, tumulong si Paez na mapalaya si Rommel Tucay, isang political prisoner na nakakulong sa Cabanatuan City.

Pinaslang naman si Ventura sa Cagayan pagkatapos niyang mamuno sa isang misa noong Abril. Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, maaaring pinatay ang pari dahil sa mga karelasyon nito.

Binaril naman si Nilo bago magsimula ang misa noong Hunyo 10 sa Zaragoza, Nueva Ecija. Nahuli na ng pulisya ang umano'y "self-confessed" suspek matapos mapalaya ang isang lalaking nauna nang hinuli kaugnay nito.

Nauna nang tinuligsa ng ilang obispo at pari ang mga pagpaslang. 

Iniwan din ng mga nagsagawa ng programa sa harap ng gusali ng Pope Pius ang kanilang sakong isinuot para ipaabot sa mga dumadalong obispo. 

Nagbukas Sabado ang tatlong-araw na pulong ng mga obispo ng Simbahang Katolika sa Pope Pius Catholic Center sa Maynila. CBCP News


HILING NA MANINIDIGAN ANG MGA OBISPO

Nagbasa ng sulat na ipinapaabot sa mga obispo ang Purple Cross Movement, isa sa mga dumalong grupo.

“Nais naming ipaabot sa ating mga mahal na obispo na sana tumindig sila para sa paninindigan sa pananampalataya,” ani Norma Singson De Leon, isa sa mga founding member ng grupo. 

Nag-alay din ang grupo ng panalangin para sa mga biktima ng pagpatay at kawalang paggalang sa kani-kaniyang pananampalataya. 

Kamakailan ay tinawag ni Duterte na "stupid" ang Diyos, bagay na umani ng batikos mula sa ilang lider ng Simbahang Katolika. 

Ayon kay Fr. Robert Reyes, isang aktibistang pari na nanguna sa programa, hindi lamang dapat sa pagitan nina Duterte at CBCP President Archbishop Romulo Valles ang gaganaping dayalogo sa Hulyo 9. 

Si Valles ang arsobispo ng Davao City, ang lungsod na pinagmulan ni Duterte.

“Dapat hindi 'yung magkaibigan lang ang mag-uusap, dapat may kasamang iba pa gaya ni Bishop Ambo (Pablo Virgilio David) na Vice President ng CBCP na kasama sa pag-uusap. Dapat may higit pang dalawang kasama mula sa Simbahan sa pag-uusap," ani Reyes.

Sarado naman sa media ang CBCP Plenary Assembly na inaasahang maglalabas ng pahayag sa pagtatapos nito. 

“Sana sa paglabas ng pahayag ng mga Obispo sa Lunes lamanin nito ang pagtuligsa sa pagpatay lalo na kabilang na din ang mga alagad ng simbahan na mga pinatay," dagdag ni Reyes. 

Nagpadala naman ng mensahe sa ABS-CBN News si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo para humingi ng panalangin bago pa ang pagbubukas ng unang araw ng CBCP Assembly.

“Please pray for the CBCP that during it plenary meeting from July 7 to 9 it may be guided by the Spirit of Wisdom for the good of the Church and of the country in these trying and challenging times," aniya.

Hinamon ni Pabillo noong Martes ang Malacañang na pangalanan ang mga kawani ng Simbahan na pinaparatangan nitong umaanib sa grupong Komunista sa layong mapabagsak ang administrasyong Duterte.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nalalayo ang posibilidad na ito, ngunit mananatiling "panaginip" lamang na mapatanggal sa puwesto si Duterte.

-- May ulat nina Abner Mercado at Trishia Billones, ABS-CBN News